January 24, 2025

Villar sa SUCs: Magtayo ng medical school sa bawat rehiyon

ISINULONG ni Senadora Cynthia Villar ang pagtatayo ng isang medical school sa bawat rehiyon sa bansa upang madagdagan ang bilang ng mga doktor at mapabuti ang healthcare workforce sa bansa.

Sa Senate deliberation ng Senate Bill 1520 o Medical Scholarship Bill, sinabi ni Villar na kailangang magtayo ang state universities and colleges (SUC) ng kahit isang medical school sa lahat ng 17 rehiyon sa bansa.

“Dapat magtayo ang malalaking SUC ng isang medical school sa bawat region. Kapag tinayuan mo all 17 regions, makukuha mo na ang target na number of doctors at nasa buong Pilipinas pa sila. Hindi mangyayari na may region na walang duktor,” ayon kay Villar.

Sabi ni Villar, kailangan ng 79,800 doktor upang matugunan  ang ideal ratio  na 10 doktor sa  bawat 10,000 katao.

Ayon pa kay Villar, kailangang makipagtulungan ang SUCs sa Department of Health-operated hospitals para sa pagsisimula ng medical schools.

“The lack of public medical schools and the prohibitive cost of studying medicine discourage the youth to even consider a career as a doctor,” sabi ni Villar.

“We should start building medical schools in the provinces and providing scholarships to make the study of medicine affordable. If we do this, we will soon have more doctors,” dagdag pa nito.

Sabi pa ni Villar, na naging chairperson ng Committee on Higher and Technical Education noong Las Pinas Representative, na ipinanukala  niya sa bill na tukuyin ang SUCs at  DOH-operated hospitals sa pagtatayo ng medical schools sa buong bansa.

Sumang-ayon si Senador Joel Villanueva, principal sponsor ng bill, na isama ang panukala ni Villar sa final version ng panukala.

Sabi ni Villar, nagulat siya nang malamang siyam lamang ang may medical school sa 114 SUCs sa bansa. 

Aniya, kailangan ding tugunan ang kawalan ng medical schools sa highly developed areas gaya ng Cebu, Central Luzon, Southern Tagalog at Regions 3, 4-A at 11.

Iminungkahi  rin ng  Nacionalista Party senator na baguhin ang batas na nagbibigay ng libreng college education para isama ang scholarships sa medicine.

“Unfair na walang scholarship for medicine. Dapat baguhin natin ang scholarships offered in SUCs. Bakit walang medicine, napakaimportante ng mga duktor? Doctors should be the exception because unlike other professions, they cannot practice unless they complete premed and medicine-proper courses, “dagdag pa ni Villar. (DANNY ECITO)