November 23, 2024

VILLAR: DAVAO CITY GAWING CHOCOLATE CAPITAL, DAVAO REGION BILANG CACAO CAPITAL NG PILIPINAS

PINANGUNAHAN ni Senadora Cynthia Villar ang pagdinig sa isang panukala na naglalayong ideklara ang Davao City bilang chocolate capital at Region 11 (Davao Region) bilang cacao-producing capital ng Pilipinas.

Ayon ka Villar, chairperson ng Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, layon ng Senate Bil 1741 na makakuha ng dagdag na suporta mula sa gobyerno para itaguyod at proteksiyonan ang industriya ng cacao sa bansa at mabenepisyuhan ng mga magsasaka at iba pang mga stakeholder.

Binanggit ng senador na ang Malagos Chocolate ng Davao na isa sa mga frontline brand ng Pilipinas sa international market at nakasama sa listahan ng “Best 50 Beans in the World” sa ilalim ng Cocoa Excellence Programme noong 2017.

Isa pang multi-awarded brand, ang Auro Chocholates na nakatanggap naman ng 23 international award kabilang ang Top 20 Best Cacao Beans sa International Cocoa Awards (ICA).

Batay sa pag-aaral ng Euromonitor, sinabi ni Villar na ang sektor ng cocoa ay inaasahang lalago dahil sa malawak nitong ‘appeal’, ‘popularity’, at malawakang gamit sa food at beverage industry.

Inaasahan din na magiging pangalawang pinakamalaking consumer market ang Asya para sa cocoa-based ingredients sa mundo sa likod ng Western Europe.

“The Philippines, and specifically Davao, is right in the cacao sweet spot. The island nation is so well situated that it is possible to grow all three major types of cacao varieties such as criollo, forester , and trinitario,” sabi ni Villar.

Ayon kay Department of Agriculture Undersecretary for High-Value Crops Evelyn Lavina, sinusuportahan nila ang panukala ni Villar lalo na’t nakakapag-ani ang Davao Region ng 6,704 metriko tonelda o halos 80 porsiyento ng produksiyon ng cacao sa bansa at may 18,895 ektaryang lupain na pinagtataniman nito.

Sabi pa ni Lavina, ang panukala ay bilang pagkilala sa sipag ng mga magsasaka na nakapagbigay ng kontribusyon  sa rural development.

Tinalakay din sa pagdinig ang Senate Bill 899 ni Senador Manuel “Lito” Lapid na naglalayong magtayo ng cacao research and development center sa bansa.
Ang pagdinig ay dinaluhan nina Senador Nancy Binay, Bong Go, Lito Lapid, Imee Marcos, at Francis Tolentino.