December 23, 2024

VILLANUEVA: TOTAL BAN SA POGO, ORAS NA!

PINURI ni Senador Joel Villanueva ang Department of Finance (DOF) at National Economic and Development Authority (NEDA) sa rekomendasyon ng mga ito na tuluyan nang ipagbawal ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.

“It’s about time! We thank our former colleague in the Senate and now Finance Chief Secretary Ralph Recto and NEDA Chief Arsenio Balisacan for joining our cause in calling for the permanent ban of POGOs,” sabi ni Villanueva.

Ayon sa Bureau of Internal Revenue, P10.321 bilyon lamang ang nakolekta mula sa POGOs noong 2023 — wala pang kalahati ng P24 bilyong revenue projection ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Sabi pa ni Villanueva, dapat talakayin ang rekomendasyong ito ng mga economic managers sa susunod na Cabinet meeting kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Pinuri rin ng senador ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa plano nitong tulungan ang 22,000 manggagawa ng POGO na makahanap ng bagong trabaho sa oras na tuluyan nang ipasara ang mga POGO sa bansa.

“For our part, we have been pushing for the laws and policies which will not only ban POGOs but all forms of online gambling,” ani Villanueva.

Nanawagan din ang senador sa mga kasamahan niya sa Senado na unahing talakayin ang Senate Bill No. 1281 na naglalayong i-ban ang lahat ng uri ng online gambling sa bansa.

Matagal nang tinututulan ni Villanueva ang mga POGO mula nang una siyang maluklok sa Senado noong 2016.

“Pagkaupo pa lang po natin sa Senado, isa na po sa tinutukan natin ang pagpapaalis sa mga POGO sa bansa. Mula noon, hanggang ngayon, naninindigan po tayong walang magandang benepisyo ang mga ito,” sabi ni Villanueva.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Labor sa 17th at 18th Congresses, pinangunahan ni Villanueva ang pagdinig sa paglaganap ng 1,000 illegal POGO workers sa Clark, Pampanga.

Ang imbestigasyon ay nagresulta sa paglantad ng ilegal na aktibidad nina Bureau of Immigration (BI) Commissioners Al Argosino at Michael Robles, na tumanggap ng suhol para sa pagpapalaya ng mga inarestong Chinese worker, at nagresulta sa pagsibak sa kanilang pwesto.

“Wala pong katumbas na salapi ang talamak na krimen na kaakibat ng operasyon ng mga POGO. Utang po natin sa taumbayan bilang kanilang mga lingkod bayan na unahin ang kanilang kapakanan at kaligtasan mula sa kahit anong kapahamakan,” saad pa Villanueva.