
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Court Administrator Raul Villanueva bilang bagong Associate Justice ng Korte Suprema, ang kauna-unahang appointee ng kasalukuyang administrasyon sa kataas-taasang hukuman.
Inanunsyo ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro ang appointment nitong Lunes, Hunyo 9. Pinalitan ni Villanueva si dating Associate Justice Mario Lopez na nagretiro noong Hunyo 4 sa edad na 70.
Si Lopez, na itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019, ay nanungkulan sa Korte Suprema ng halos anim na taon. Siya rin ang nagsilbing chairperson ng 2024 Bar Examinations kung saan 3,962 ang pumasa o katumbas ng 37.84% na passing rate.
Bago ang kanyang appointment, si Villanueva ay Court Administrator simula pa noong 2022. Ang Office of the Court Administrator ang nangangasiwa sa lahat ng korte sa bansa sa ilalim ng Korte Suprema.
Matagal nang nasa hudikatura si Villanueva simula pa noong 2002 nang italaga siyang presiding judge ng Las Piñas RTC Branch 255. Nagsilbi rin siyang executive judge sa Las Piñas at naging acting presiding judge ng Taguig RTC Branch 267 at Manila RTC Branch 4. Noong 2010, hinirang siyang deputy court administrator, at nanatili sa posisyong ito hanggang sa ma-appoint si Jose Midas Marquez bilang associate justice.
Nauna nang nag-apply si Villanueva sa puwesto ng associate justice at sa pagkakataong ito, nanaig siya laban sa 10 iba pang kandidato na karamihan ay mga appellate court judges.
Si Villanueva ay tubong Ilocos Sur, isang Ilokano tulad ng Pangulo. Valedictorian siya ng Narvacan South Central School noong 1976 at nagtapos nang may karangalan sa Lourdes School sa Quezon City noong 1981. Nakuha niya ang kanyang economics degree mula sa University of the Philippines noong 1985 at nagtapos ng abogasya sa parehong unibersidad noong 1990.
Ang kanyang pag-upo sa Korte Suprema ay nagmarka ng simula ng pagpasok ng Marcos appointees sa isang hukuman na kasalukuyang binubuo ng karamihang Duterte appointees — 12 sa 15 miyembro ng SC en banc ay itinalaga ng dating pangulo. Sina Senior Associate Justice Marvic Leonen at Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa lamang ang itinalaga ng yumaong dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ang susunod na pagkakataon ni Marcos na makapagtalaga sa Korte Suprema ay sa 2026, kasabay ng pagreretiro nina Chief Justice Alexander Gesmundo at Associate Justice Amy Lazaro Javier.
More Stories
House Bill na Layong Palawigin ang Termino ng mga Barangay at SK Officials, Lusot na sa Kamara
Sabong—Kultura at Kabuhayan, Huwag Isama sa Batas!
MBHTE napuna ang mga maanomalyang transaksyon