April 2, 2025

VIETNAMESE NA WANTED SA PAGKIDNAP AT PANGGAGAHASA NADAKMA NG BI-NAIA

NADAKIP ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Vietnamese national na wanted sa mga awtoridad dito dahil sa pagkidnap at paggahasa sa isang babaeng Chinese na nangyari dalawang taon na ang nakalilipas.

Kinilala ang Vietnamese national na si Nguyen Hu Mai, 48, na naaresto noong Marso 21 sa NAIA Terminal 3 na papaalis na sana pasakay ng Cebu Pacific flight patungo sa Saigon.

Agad siyang ipinasa sa mga supervisors para isalang sa secondary inspection matapos magdulot ng positibong resulta ang kanyang pangalan sa sentralisadong derogatory database ng BI.

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, natuklasan ng mga superbisor ng BI na ang pasahero at ang taong nasa BI watchlist ay iisa at pareho. Kaya siya ay pinigilan at inaresto ng kanilang mga tauhan sa paliparan.

Sa kanyang report, sinabi ni BI-BCIU chief Ferdinand Tendenilla, na kasama si Nguyen sa wanted list ng BI magmula noong Marso 10 matapos siyang kasuhan at ang dalawa pang Chinese nationals ng deportation dahil sa pagiging undesirable aliens dahil sa kanilang pagiging pangunahing suspek sa kidnapping at rape case.

Lumitaw sa rekord na dinukot ng mga suspek ang biktima sa kaniyang condominium unit sa Makati City noong Marso 2, 2023, dinala sa isang liblib na lugar, ginahasa at humingi pa ng P4 milyon na ransom sa mga kaanak nito.

Ayon kay Tendenilla, mananatili si Nguyen sa kustodiya ng BI hanggang maresolba ng korte ang mga reklamong kriminal laban sa kanya. Kapag napatunayang nagkasala, kailangan muna niyang pagsilbihan ang kanyang sentensiya bago siya ma-deport. “He will also be placed in the immigration blacklist and banned from re-entering the country as a consequence of the deportation charge filed against him,” dagdag pa nito.

Itinurnover si Nguyen sa BI Border Control and Intelligence Unit (BCIU) at kalaunan ay inilipat sa detention facility ng BI sa Camp Bagong Diwa, Taguig City. (ARSENIO TAN)