
Pabirong ipinakilala ni Vic Sotto ang kanyang anak na si Vico Sotto bilang susunod na Pangulong Pilinas, sa unang araw ng opisyal na pangangampanya ng mga kandidato para sa local elections nitong Biyernes, Marso 28, 2025.
“Ipakikilala ko na po. Alam ninyo siguro kung kanino nagmana? Kanino pa eh di sa nanay. Eto na po ang susunod na presidente ng Pilipinas, Mayor Vico Sotto!” ayon kay Vic.
Muling kumakandidato si Vico para sa kanyang ikatlong termino bilang alkalde ng Pasig City.
Bago ang naturang pagpapakilala, pinuri ni Vic ang Pasig City para sa paglaban nito sa korapsyon at pinasalamatan ang mga botante sa pagpili sa mga bagong lahi ng politiko na pinangungunahan ni Vico na nagtaguyod ng mabuting pamamahala.
Hinimok din niya ang mga residente ng Pasig na huwag bumoto ng traditional politicians na nanunuhol, nanakot at sinungaling at bagkus ay suportahan ang team ni Vico sa May elections.
“Gusto ko po kayong i-congratulate dahil dito sa lungsod ng Pasig, sa ating minamahal na lungsod, napatunayan natin sa buong bansa na kaya natin labanan at sugpuin ang korupsyon,” saad niya.
“Kaya sa darating na Mayo, huwag na tayong bumalik sa makalumang style ng politika. Style na bulok. Politikang may panunuhol, politikang may pananakot, politikang puro kasinungalingan. Dito na tayo na makabagong politika dito sa Pasig,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Vic marami siyang nakausap na tao na gustong tumira sa Pasig dahil sa mabuti nitong pamamahala.
“Ano po ba yung good governance? Papaliwanag ko sa inyo. Ang good governance ay governance na good. Pero kulang. Dito sa Pasig hindi lang good governance. Gusto ko dagdagan – very very good governance,” saad niya.
“Kaya mag-ingat po tayo. Tayo po’y samahan natin ng dasal sa darating na Mayo, ipagpatuloy natin ang laban na nasimulan natin dito sa Pasig. I am very proud of you,” dagdag niya.
More Stories
DEATH TOLL SA MYANMAR QUAKE, UMABOT NA SA 2,056
1,057 PDLs laya na – BuCor
Mabilis na pagpapauwi sa 29 Indonesian nationals na nasagip sa POGO operations pinuri ni Gatchalian