November 24, 2024

VICE PRESIDENTIAL CANDIDATE RIZALITO DAVID:  
WALANG MANANALO KAY SARA

 

Inamin ni vice presidential bet Rizalito David na walang pag asa na manalo ang isa sa mga kandidato na dumalo sa Commission on Elections (COMELEC) debate kay vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa kanyang pahayag sa COMELEC debate nitong Linggo, sinabi ni David na wala sa lahat ng kandidato ngayon sa pagkabise presidente ang makakatalo kay Duterte sa darating na halalan.

“Marami akong masasabi para iboto niyo ako at ‘yung aking kasama na si Dr. Montemayor. Pero at the end of the day, hindi kami mananalo,” pag amin ni David. “Wala ni isa dito ang mananalo kay Sara Duterte. Wala ni isa doon sa mga presidential candidates ang tatalo kay Bongbong Marcos.”

Naniniwala naman si David na may isa pang paraan para matalo ang tambalang BBM-Sara sa pamamagitan ng pagsasanib pwersa ng mga kandidato ngayon.

“Kaya ako ay nananawagan sa aking kasamang mga kandidato, let us form a grand coalition to defeat Marcos and Duterte. Please, do a selfless act. Let us defeat Marcos and Duterte together.” pakiusap ni David.

Bago mag umpisa ang debate ay sinabi na ni David na handa siyang magwithdraw upang suportahan ang kandidatura ni vice presidential candidate senate president Tito Sotto na pumapangalawa ngayon sa mga survey.

“I don’t mind supporting Senator Sotto and I don’t mind supporting Leni Robredo if that is the case para lang talunin si Marcos and si Sara,” ani David.

Hindi naman ito pinaburan ng kapwa niya kandidato na sila Sen. Kiko Pangilinan, at Walden Bello.

Matatandaan na napagusapan na noon ang pagbuo ng koalisyon para tapatan ang tambalang BBM-Sara ngunit nabigo itong mabuo.

Sa kasalukuyan ay nakakuha ng 53% na rating si Duterte sa survey ng Pulse Asia habang nakakuha naman si Marcos ng 60%.