January 26, 2025

VICE GOVERNOR NG SURIGAO DEL SUR AT ASAWA ARESTADO SA INVESTMENT SCAM

CAMP RAFAEL, BUTUAN CITY – Kalaboso na ngayon ang Bise Gobernador ng Surigao Del Sur at ang kanyang asawa matapos arestohin ng mga pinagsanib na puwersa ng Bislig City Police Station, 1st Surigao Del Sur Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa lugar ng San Andres, Brgy. Maharlika, Bislig City ng Surigao Del Sur noong araw ng Huwebes para sa kasong may kinalaman sa investment scam.

Base sa ulat na ipinadala ni Police Regional Office 13 Regional Director PBGen. Romeo Carramat, sa Philippine National Police Head Quarter’s sa Camp Crame at sa opisina ni PNP Chief,  Police General Dionardo B. Carlos , kinilala ang mga suspek na sina incumbent Vice Governor Librado “Lib” C.Navarro at si “resigned” Talisayan Misamis Oriental Sanggunian Bayan Member Maylene Navarro (asawa ng bise gobernador) mga nasa hustong gulang na mga nakaditine ngayon sa Bislig City Custodial Facility.

Nag-ugat ang pagkakaaresto sa mag asawang suspek matapos na magpalabas ng dalawang magkahiwalay na arrest warrant ang Regional Trial Court, 10th Judicial Region Branch 42 sa Medina, Misamis Oriental na walang inirekomendang piyansa.

Pinaalalahanan naman ni PBGen.  Carramat ang publiko na huwag basta maniniwala sa mga kumpanya o grupo na nag aalok ng malaking tubo o kita sa madaling panahon ng paglalagak ng investments dahil posible silang mabiktima ng mga Investment Scammers.

Dati na rin iniugnay si Vice Governor Navarro bilang person of interest sa pag ambus at pagpatay kay radio commentator Christopher Lozada na pamangkin ng Founding Chairman/Inventor Doctor Ed Delibo ng “Dok Alternatibo” kung saan nakaligtas ang live in partner ni Lozada nuon October 2016. (KOI HIPOLITO)