October 6, 2024

Vice Ganda may unkabogable na bagong sasakyan?

NAPUKAW ang atensiyon ng mga netizens kay Vice Ganda matapos makitang nakasakay sa bagong Tesla Cybertruck.

Nakuhanan ng fans ang It’s Showtime host ng video habang pasakay ng “futuristic” vehicle, at ang naturang video ay mabilis kumalat sa iba’t ibang social media platforms.

Suot ang kanyang stylish pink outfit, pumasok si Vice sa loob ng all-electric pickup truck.

Binuksan pababa ng TV host ang bintana ng sasakyan at sinabing, “May problema ba tayo? Di ba isa rin namang Hollywood star? Charot!”

 “Grabe!” and “sosyal!” ayon naman sa mga nakakita kay Vice.

Habang isinusulat ang balitang ito, wala pang ipino-post si Vice Ganda ng anumang larawan o video ng kanyang sasakyan sa kanyang social media platforms o kanyang YouTube channel, kung saan madalas siyang nagba-vlog ng kanyang mga sasakyan.

Kilala ang Tesla Cybertruck dahil sa futuristic design nito at may upuan para sa hanggang limang katao.

May malami rin itong 18.5” touchscreen sa dashboard nito at 9.4” screen sa likuran, kung saan ang parehong screen ay may bagong user-friendly interface.

Bagamat hindi bet ng karamihan ang hitsura ng Tesla Cybertruck ay hindi naman umano pwedeng ismolin ang presyo nitong P17.5 milyon.

Ayon pa sa mga tsika, kung sakaling totoo ay si Vice pa lamang ang may ganitong uri ng kotse sa Pilipinas.

Kabilang sa mga celebrities na may Cybertrucks sina Kim Kardashian, Lady Gaga, Justine Bieber, singer na si Pharell Williams at tennis superstar Serena Williams.