November 24, 2024

VHONG NAVARRO NO BAIL (Arrest warrant inisyu ng Taguig court)

WALANG piyansang inialok si Judge Loralie Cruz Datahan, ng Regional Trial Court (RTC) Branch 69 ng Taguig City, sa inisyu niyang warrant of arrest laban sa TV host-actor na si Ferdinand “Vhong” Navarro.

Inilabas ang warrant of arrest laban kay Navarro ni Judge Datahan, sa kasong rape na isinampa sa kanya ng model na si Deniece Cornejo.

Bago ito, sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) upang maglagak ng P36,000 piyansa si Navarro para naman sa kasong acts lasciviousness na isinampa rin ni Cornejo.

Sa interview ng DZBB, sinabi ng abogado ni Navarro na si Atty. Alma Mallonga na tiwala silang agad ding mapapalaya ang kanyang kliyente.

“Palagay ko hindi naman magkakaroon ng problema dahil kumpleto ang mga prerequisite,” ani Malongga. “We are confident that Mr. Navarro will be granted bail.”

Sa kautusang inilabas ni Judge Datahan, malinaw na nakasaad na “not bailable for rape.”

Sinabi naman ni Atty. Mallonga na patuloy makikipaglaban si Navarro para patunayang inosente ito sa alegasyon at suportado umano ito ng CCTV footage na kuha sa elevator ng araw na sinasabing naganap ang krimen.

“He knows he is innocent. He knows he has people who will continue to believe in him and to help him…life goes on and we will continue fighting,” dagdag pa ng abogado ni Navarro.

“Hindi ako nawawalan ng pag-asa kasi nandito ‘yung legal team ko, nandito ‘yung family ko, nandito yung asawa ko. Ang Panginoon kasama ko dito sa laban na ‘to,” pahayag naman ni Navarro na nagpasalamat sa mga taong patuloy na naniniwala at sumusuporta sa kanya.