April 30, 2025

VETERAN JOURNALIST JOHNNY DAYANG, PINASLANG — PTFOMS, PNP AGAD RUMESPONDE SA KRIMEN

MANILA – Kasama ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS), agad na nagtungo sa crime scene ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) matapos pagbabarilin at mapatay ang veteran journalist na si Juan “Johnny” Dayang noong Abril 29, 2025.

Mariing kinondena ng PTFOMS ang karumal-dumal na krimen at pinuri ang mabilis na aksyon ng kapulisan sa lugar ng insidente.

“Pinupuri namin ang agarang pagkilos ng PNP sa kasong ito,” ayon sa pahayag ng PTFOMS. “Tinitiyak namin sa publiko na ang Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), at ang PNP ay kaisa ng PTFOMS sa mabilis at masusing pagresolba ng kaso.”

Kilala si Johnny Dayang bilang isa sa mga beteranong mamamahayag sa bansa, aktibo sa pagsusulong ng press freedom at kilalang personalidad sa media community.

Nananawagan ngayon ang iba’t ibang grupo ng mamamahayag ng katarungan at mabilis na imbestigasyon, habang naninindigan ang gobyerno na hindi palalampasin ang ganitong uri ng karahasan laban sa media.