November 23, 2024

Vergeire itinalagang OIC ng DOH

Itinalaga si Heath Undersecretary Maria Rosario Vergeire bilang officer-in-charge ng Department of Health (DOH) habang wala pang napipili si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr ng kanyang magiging kalihim sa naturang ahensiya.

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angles, mae-extend ang pagiging OIC ni Vergeire kung wala pang mapipili si Marcos na DOH secretary hanggang July 31, na siyang deadline na nakasaad sa unang memorandum circular ng bagong administrasyon.

Si Vergeire ang kadalasang humaharap sa media at publiko simula nang pumutok ang COVID-19 pandemic noong Marso 2020.

Pinasalamatan ng DOH si Marcos sa pansamantalang pagtitiwala sa departamento sa ilalim ng pangangasiwa ni Vergeire. “Usec. Vergeire is the current Undersecretary for the Public Health Services Team and Office of the Chief of Staff. DOH appreciates the President’s confidence in one of its career executives, including the immense responsibility such trust brings,” nakasaad sa statement ng DOH.

Dalawang linggo nang umupo sa puwesto si Marcos, wala pa ring nahahanap ang pangulo na papalit kay dating DOH chief Francisco Duque III.