December 26, 2024

VENDOR ITINUMBA SA LOOB NG PALENGKE SA MALABON

SINISIYASAT ng mga tauhan ng SOCO ang walang buhay na katawan ni Michael De Ocampo, 48, vendor at residente ng No. 31 S. Pascual St., Brgy. San Agustin, matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek sa kanyang stall sa loob ng Malabon City Public Market sa Brgy. Tañong, Malabon City. (RIC ROLDAN)

NASAWI ang isang 48-anyos na vendor matapos barilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek sa kanyang stall sa loob ng palengke sa Malabon City, Huwebes ng madaling araw.

Nakuhanan pa ng close circuit television (CCTV) camera ang ginawang pagpaslang sa biktimang si Michael De Ocampo, residente ng 31-S Pascual St. Brgy. San Agustin ng gunman na nakasuot ng itim na face mask, itim na bull cap, puting t-shirt at itim na short pants dakong alas-3:09 ng madaling araw sa loob ng Malabon City Public Market sa Brgy. Tanong ng naturang lungsod.

Sa ulat nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Diego Ngippol kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nakatayo sa harap ng kanyang puwesto at may sinusuring listahan ang biktima nang lapitan ng gunman at malapitang binaril sa ulo.

Nang bumulagta ang biktima, pinaputukan pa siya ng isa ng salarin bago nagmamadaling tumakas, kasama ang isa pang suspek na nakasuot naman ng itim na jacket, pulang t-shirt at asul na jogging pants na siyang nagsilbing look-out.

Ipinag-utos na ni Col. Barot ang pagtugis sa mga suspek habang inalaam pa ang motibo sa insidente. (JUVY LUCERO)