“At ako po, inyong abang lingkod, Lord Allan Jay Velasco, ay taus-pusong tumatanggap sa hamon na maging Speaker ng Kamara de Representante.”
Ito ang nasambit ni Representative Lord Allan Jay Velasco matapos siyang ihalal ng kanyang mga kaalyadong mambabatas upang patalsikin si Taguig. Rep Alan Peter Cayetano bilang Speaker habang suspendido ang sesyon.
Nagsagawa ng kudeta ang mga kaalyado ni Velasco laban kay Cayetano sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City, na hindi bababa sa 5 kilometro o 17 minuto ang layo mula sa compound ng House of Representatives.
Mula sa 299 miyembro ng mababang kapulungan, 186 na mambabatas ang naghalal kay Velasco bilang Speaker sa ginanap na Celebrity Sports Plaza session ngayong araw.
“Today, history is made once again in these august halls,” sambit ni Velasco sa kanyang acceptance speech.
Pinasalamatan din ng 42-anyos na congressman si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa ibinibigay nitong inspirasyon sa mga batang politiko na tulad niya upang maglingkod sa bayan.
Nagpasalamat din siya sa mga anak ng Pangulo na sina Davao City Mayor Sara Duterte at Deputy Speaker Paolo “Pulong” Duterte, gayundin kay Senator Bong Go sa pagsuporta sa kanyang pag-takeover bilang Speaker.
“Nagpapasalamat rin ako sa tiwala at moral support ni Mayor Inday Sara Duterte, Deputy Speaker Pulong Duterte, at Senator Bong Go,” ayon kay Velasco.
Sa kabilang dako, tinawag naman ni Cayetano na “fake session” ang nangyaring botohan sa Celebrity Sports Plaza.
“The last time I checked, ang Celebrity Sports Club ay hindi Kongreso,” sabi ni Cayetano sa isang media briefing sa Batasang Pambansa.
“If you try to burn this house down, you’re in for one hell of a fight,” saad din ni Cayetano sa kampo ni Velasco.
More Stories
PAGGUNITA SA ALL SAINTS’ DAY GENERALLY PEACEFULL
NOVEMBER 4 IDINEKLARANG NATIONAL MOURNING PARA SA KRISTINE VICTIMS
Pang. Carlos P. Garcia, Ama ng Kilusang Pilipino Muna