January 4, 2025

VAX SCHEDULE PARA SA CLARK LOCATORS, “FIRST COME, FIRST SERVE” NA


CLARK FREEPORT – Inanunsiyo kamakailan lang ng Clark Development Corporation na ang pag-iiskedyul para sa pagbabakuna sa mga locators sa Freeport na ito ay gagawin nang “first come, first served” basis.

Sa inilabas na memorandum ng state-owned firm na may petsang Agosto 9, 2021, sinasabi na simula sa ikalawang linggo ngayong buwan, babakunahan lamang ang Clark workers kung sila ay nakarehistro at naka-iskedyul sa pamamagitan ng Clark Vaccination Registration System (CVRS).

Kapag nasiguro ang pagkakaroon ng mga bakuna, magpo-post ang CDC ng available na petsa at time slots para sa Clark locators at mga kompanya sa pamamagitan ng website na www.clark.com.ph/vaccine_registration.

Upang makapagparehistro, ang mga locator sa pamamagitan ng kanilang Human Resource Division (HRD) managers, ay maaring makapamili ng kanilang slots sa pamamagitan ng pagpapahiwatig ng bilang ng mga empleyado na nais magpabakuna sa specific dates at time slot na available.

Kapag nakapagparehistro at tinanggap ng system, dapat alamin kaagad ng mga locator ang specific names ng kanilang rehistradong empleyado sa CVRS kabilang na ang piniling time slot at date.

Tanging ang mga aprubadong vaccination slots na may kumpirmadong pangalan ang kikilalanin. Kung hindi man, ang nasabing slot ay muling bubuksan para sa ibang locators.|

Upang higit na magabayan ang mga locator, naghanda ang CDC sa pamamagitan ng kanilang Information Technology Department (ITD) ng step-by-step na video tutorial para sa vaccine registration.

Maaring ma-access ang nasabing tutorial sa pamamagitan ng www.clark.com.ph/clark_vax sa ilalim ng “Training Materials tab. Maari rin mag-send ng email ang mga locator sa [email protected] o [email protected] kung mayroon silang ibang katanungan o concerns.

Sa pamamagitan ng locators’ voluntary registration, inasahan ng CDC na mas maraming manggagawa sa Clark ang mabibigyan ng bakuna rito upang makamit ang target na herd immunity sa loob ng Clark Freeport Zone (CFZ) community.