
MAYNILA — Inaasahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na magiging mas kaakit-akit sa mga dayuhang mamumuhunan ang Pilipinas sa pamamagitan ng mga bagong panuntunan sa mas pinadaling proseso ng value-added tax (VAT) refund — isang pangunahing reporma sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) Act.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang mga regulasyong ito ay alinsunod sa mas malawak na layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas business-friendly ang bansa.
“Ang expectation natin, makikita ng mga dayuhang investors na seryoso ang pamahalaan na pagbutihin ang pagnenegosyo at papadaliin ang proseso dito sa ating bayan,” ani Lumagui sa isang televised interview, Sabado.
Idinagdag niya na inaasahan ng BIR na mas marami pang dayuhang kompanya ang mahihikayat na magnegosyo sa Pilipinas dahil sa repormang ito.
Ipinaliwanag ni Lumagui na ang layunin ng CREATE MORE Act at mga kasabay nitong reporma ay pasimplehin ang pagbabayad ng buwis at pagpaparehistro ng negosyo. Sa bisa ng Republic Act No. 12066, binago ang National Internal Revenue Code upang bigyan ng mas malawak na tax relief at insentibo ang mga negosyo, partikular ang mga exporter.
Batay sa Revenue Memorandum Circular No. 37-2025 na inilabas noong Abril 10, ang mga sumusunod ay bahagi ng mga bagong hakbang:
- Certified true copies ng resibo o invoices na maaaring ipalit sa original documents;
- Tatlong dokumento ang tinanggal bilang requirement kabilang ang proof of registration mula sa SEC/DTI at import declarations;
- Para sa mga claim na may kinalaman sa capital goods, maaari nang gamitin muli ang dating issued na sertipikasyon ng Bureau of Customs;
- Hindi na kailangan ang actual proof of shipment tulad ng bills of lading. Sa halip, sapat na ang sertipikasyon mula sa Export Marketing Bureau ng DTI, alinsunod sa bagong kasunduan sa pagitan ng dalawang ahensya.
“May kanya-kanyang role na ang bawat ahensya kaya hindi na magdoble-doble ang requirements at imbestigasyon. Pinadali natin ang proseso sa pakikipag-coordinate sa DTI,” paliwanag ni Lumagui.
Bukod sa pinabilis na refund process, ibinalik din ng CREATE MORE Act sa zero percent VAT ang ilang mga transaksyon na dating isinailalim sa 12% sa ilalim ng TRAIN Law, kaya’t muling kwalipikado ang mga ito para sa VAT refund.
“Patuloy nating tinitingnan kung ano pa ang puwedeng i-streamline para mas maging madali ang pagnenegosyo sa ating bayan,” dagdag ng BIR chief.
Sa kabuuan, tinitiyak ng BIR na ang mga pagbabagong ito ay hindi lamang pansamantalang hakbang, kundi bahagi ng pangmatagalang layunin ng pamahalaan na gawing mas magaan, mas mabilis, at mas makatao ang pagnenegosyo sa Pilipinas.
More Stories
KOREAN SCAMMER NA MAY P400-M KASONG FRAUD, NASUKOL NG BI
39 foreign workers sa Telco sa BGC, naaresto ng Bureau of Immigration
Tulak, tiklo sa Malabon drug bust