December 25, 2024

Valenzuelanos hinimok magparehistro para sa COVID vaccine


HINIMOK ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pamumuno ni Mayor Rex Gatchalian ang mga residente na magparehistro para sa COVID-19 Vaccines Rollout Plan o mas kilala bilang VCVax upang maging “Bakunadong Valenzuelano”.

Mag-log on lamang sa ValTrace account sa valtrace.appcase.net  at i-click ang “Vaccination Registration” button.  Ang log-in details na gagamitin ay kapareho lamang ng iyong ginamit sa pagkuha ng ValTrace QR Code. Kung wala pang ValTrace account, mag-register.

Sagutan ang online form at mag-upload ng larawan ng anumang government -issued ID.

Ang kasunod na hakbang ay pindutin ang checkbox bilang pagsang-ayon sa “Privacy Notice and Data Privacy Consent” at i-click ang “Submit”.

Susuriin ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ang aplikasyon at tatawag o magpapadala ng email upang ipaalam ang iskedyul at lugar ng pagpapabakuna kung saan 18 taong gulang pataas lamang ang maaaring bigyan ng bakuna.

Nauna nang nagsagawa ang pamahalaang lungsod ng simulation vaccination program para sa kanilang mga residente sa isa sa kanilang 17 designated vaccination sites bilang paghahanada sa pagdating ng bakuna.

“Itong simulation na ito is a confidence building exercise. Gusto naming ipakita sa lokal na mamamayan namin na the local government not only purchased [the vaccines] but moreso pinagaaralan natin yung rollout… Ayaw natin na nandiyan na ‘yung bakuna tsaka lang natin pa-planuhin lahat ito,” pahayag ni Mayor Rex.