December 25, 2024

Valenzuela namahagi ng libreng school uniforms at school kits sa 80K mag-aaral

NAMAHAGI ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ng libreng mga uniporme at school kits sa may 80,000 na pampublikong mag-aaral sa lungsod mula kinder hanggang Grade 6, bilang tulong sa mga mag-aaral sa kanilang pangangailangan sa nalalapit na pasukan sa darating na July 29, 2024, 

Pinangunahan ni Valenzuela City Mayor WES Gatchalian ang pamamahagi ng mga school kits at uniporme sa mga mag-aaral mula sa 42 na pampublikong paaralan sa elementarya, kabilang na rin ang mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) at Special Education (SPED).

Ayon kay Gatchailan, makakatanggap ng dalawang set ng uniporme ang bawa’t estudyante na kinabibilangan ng asul na pantalon o short sa mga batang lalaki at puting blouse at asul na palda naman sa mga batang babae na magagamit nila sa pagpasok sa eskuwela.

Ilan din aniya sa napakaraming laman ng ipamamahaging school kits ang mga notebookk, lunch box, water tumbler, bukod pa sa mga pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral tulad ng lapis, ballpin, pambura, ruler, krayola, pad paper, pantasa at iba pa.

Sinabi pa ni Mayor WES na ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ay naglaan ng halagang P100 milyon para sa mga ipapamahaging school kits at P77 milyon naman para sa kanilang uniporme.

Sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ang pamamahagi  ng mga pangunahing pangangailangan ng mga batang mag-aaral noong Hulyo 16 at inaasahang matatapos ito ng Hulyo 37, dalawang araw bago ang pasukan sa eskuwela.

Iginiit ng ama ng lungsod na binibigyang prayoridad ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng pangangailangan ng mga mag-aaral na kabilang sa kanilang hakbang upang matiyak ang magandang kalidad ng edukasyon upang wala isa mang mga bata ang maiiwan.