NAGSAGAWA ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pamamagitan ni Mayor WES Gatchalian sa pakikipagtulungan ng Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) ang dalawang araw na Basic First Aid at Life Support Training para sa mga ambulance driver sa lungsod.
Aabot sa 70 drivers mula sa 33 barangay ng Lungsod ang nagparehistro para sa pagsasanay at para ma-accommodate ang bilang ng mga kalahok, hinati sila sa tatlong batch – Batch 1 (Marso 3 at 4); Batch 2 (Marso 6 at 7); at Batch 3 (Marso 8 at 9).
Nauna nang binanggit ni Mayor WES ang plano niyang sanayin ang mga ambulance driver sa lungsod nang bigyan ng lokal na pamahalaan ng bagong ambulansya ang Barangay Veinte Reales.
“Alam niyo, mayroon kaming program ni Konsehal Sel Sabino-Sy. Maganda ito, dahi sa March po ay may gagawin kaming professional training para sa ating ambulance drivers. Hindi lang basta-basta training ‘yan, magkaroon tayo ng fundamentals [sa pagbibigay ng paunang lunas].” pahayag niya.
Ang Basic First Aid and Life Support Training program ay isang seminar workshop na pinangasiwaan ng VCDRRMO na naglalayong ituro sa mga driver ng ambulansya ang mga pangunahing kaalaman na dapat nilang malaman bago sumabak sa ganoong uri ng trabaho.
Sa kanyang mensahe, ipinaalala ni VCDRRMO Head, Dr. Arnaldo Antonio ang kahalagahan ng papel ng mga ambulance driver sa pagbibigay ng first aid at pagdadala ng mga pasyente sa ospital.
“[Sa training na ito,] nahuhubog natin ‘yung konsepto ng 3D – Driving, Discipline, and Dedication. Kasi ang mga ambulance drivers, alam naman nating kritikal ‘yung ating function sa barangay,” aniya.
Bukod sa pagsasanay, sumailalim din sa visual screening test ang mga driver sa tulong ng ilang optometrist mula sa Valenzuela City. Ang kanilang eye grades ay sinuri ng mga espesyalista upang matukoy kung kakailanganin nila ng salamin habang nagmamaneho.
Samantala, kapag natapos na ang pagsasanay ng mga kalahok, dadalo sila sa dalawang araw na pagsasanay sa Driving Skills For Life na isasagawa ng Ford Motor Company sa Marso 10 at 11, 2023.
Ang programang ito ay inisyatiba ni 2nd District Councilor Sel Sabino-Sy na naglalayong mahasa at mabigyan ng kaukulang pagsasanay ang mga driver ng barangay na hahawak sa mga sasakyang pang-emergency.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA