December 27, 2024

VALENZUELA MULING INILUNSAD ANG SUMMER READING CAMP 2024

SA pakikipagtulungan sa Synergeia Foundation at Department of Education (DeEd)-Valenzuela, muling inilunsad ni Mayor WES Gatchalian ang Valenzuela Summer Reading Camp 2024 sa Pio Valenzuela Elementary School at Canumay West Elementary School, Miyerkules ng umaga, July 10, 2024.

Ayon kay Mayor WES, aabot sa 1,246 na mga estudyante sa Grade 3 hanggang Grade 6 ang nasuri ng DepEd na hindi talaga makapagbasa o bigong makapagbasa kaya’t kailangan nilang sumailalim sa programa ng 10-araw hanggang hindi pa nagbubukas ang klase.

Ang naturang programa ay nilikha sa ilalim ng Education 360 Degrees Program na umani
na ng napakaraming parangal dahil sa komprehensibo pamamaraan na layuning mapataas ang kalidad ng edukasyon sa Lungsod.


Sinabi ni Mayor WES na hindi sapat na matuto lang ng pagbabasa ang mga estudyante sa elementarya kundi dapat ay maintindihan nila ang kahulungan ng kanilang binabasa kaya’t inilalarga nila ang ganitong programa taon-taon upang ihanda ang kaalaman ng mga estudyante sa kanilang pagbabalik eskuwela.


Nanawagan din siya sa mga magulang ng mga batang estudyante na i-enroll ang kanilang mga anak sa programa upang mahasa ang kanilang kaalaman sa pagbabasa.


“Hindi lang po sa pag-eenroll, madali po ang mag-enroll, libre naman po ito, pero yung tapusin ang programa, yan po ang importante dahil nakikita naman po namin sa datus na malaking tulong ito sa pagbabasa, sa paghahabol at paghahanda sa ating mga learners pagdating ng panibagong school year,” pahayag ni Mayor WES sa kanyang talumpati.


Sinabi pa ng alkalde na ngayong darating na Balik Eskwela 2024 ay magbibigay ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ng libreng school kits at dalawang pares ng uniporme sa bawat isang estudyante mula Kinder hanggang Grade 6.
  
Unang inilunsad ng pamahalaang lungsod ang programa noong taong 2014 at sa kasalukuyan, mahigit na sa 100 libong estudyante, ang naging benepisyaryo nito.