April 30, 2025

UTOS NI PBBM: PRIMEWATER NG MGA VILLAR, IMBESTIGAHAN! (Serbisyong sablay)

MANILA, Philippines – Sa harap ng dagsa-dagsang reklamo ng mga mamamayan kaugnay sa mahinang serbisyo ng PrimeWater, inihayag ngayong Miyerkules, Abril 30, na mag-uutos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang pormal na imbestigasyon laban sa pribadong water utility firm na pag-aari ng makapangyarihang pamilya Villar.

“Ang kakulangan sa serbisyo ay walang puwang sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.,” pahayag ni Malacañang Press Undersecretary Claire Castro sa isang press briefing. “Mag-uutos po ang Pangulo na maimbestigahan po.”

Ayon kay Castro, ang Local Water Utilities Administration (LWUA) ang ahensyang iaatas ng Pangulo para magsagawa ng imbestigasyon. Ang LWUA ay isang government-owned and controlled corporation (GOCC) na nangangasiwa sa mga water districts—mahigit 100 sa mga ito ang may joint venture sa PrimeWater, karamihan ay pinasok sa ilalim ng administrasyong Duterte. May tala rin ang mga civil society group na umaabot ito sa 130 kasunduan.

Posibleng makasama rin sa imbestigasyon ang Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) na siyang nagsusuri ng mga kontrata ng GOCCs.

Una nang nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang probinsya ng Bulacan, partikular sa San Jose Del Monte City, matapos mailantad ng ulat ng Rappler ang matagal nang pagdurusa ng mga residente mula nang ipatupad ang PrimeWater deal.

Sa Ilocos Norte, mismong balwarte ni Marcos Jr., ay may 12 bayan, kabilang ang Laoag, na naka-joint venture rin sa PrimeWater.

Si House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales ay nangakong maghahain ng resolusyon para sa isang malawakang imbestigasyon sa PrimeWater kapag nagbukas muli ang sesyon ng Kongreso sa Hunyo.

“Hindi ito tungkol sa pulitika. Ito ay tungkol sa hustisya para sa mga konsumer. Sobra na ang hirap na dinanas ng taumbayan, napakaraming pangakong hindi tinupad,” giit ni Khonghun.

Ang PrimeWater ay pag-aari ng Prime Asset Ventures Inc., pinamumunuan ni Manuel Paolo Villar, anak nina Manny Villar at Sen. Cynthia Villar. Si Mark Villar, na dating kalihim ng DPWH, ay kapatid ni Paolo at bahagi rin ng pamilya Villar.

Sa kabila ng kontrobersiya, si Rep. Camille Villar, na kasalukuyang kinatawan ng Las Piñas, ay kabilang pa rin sa Alyansa senatorial slate ni Marcos, kahit na nagpakita ito ng suporta sa karibal ni Marcos na si VP Sara Duterte sa isang political ad.

Nang tanungin kung may tiwala pa rin si Marcos kay Camille Villar, sagot ni Usec. Castro: “It will depend on how she will perform… she should prove that she can perform as a leader.”