February 21, 2025

Utol, kulong sa panunutok ng ‘toy gun’ sa ate sa Malabon

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang tambay matapos ipaaresto sa pulisya ng kanyang nakakatandang kapatid na babae nang tutukan siya ng baril sa Malabon city, kamakalawa ng gabi.

Mahaharap ang suspek na si alyas “Pual”, 43, ng Sampaguita St., Brgy. Longos sa kasong Grave Threat at paglabag sa R.A. 10591 in Relation to B.P. No. 881 (Omnibus Election Code).

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan, nagtungo sa bahay ng nakababatang kapatid ang biktimang si alyas “Heidi”, 53, negosyante at residente ng Upper Manaliti, Brgy. Sta Cruz, Antipolo City.

Sa hindi malaman na dahilan, nagkaroon ang magkapatid ng argumento dakong alas-8 ng gabi na humantong sa panunutok ng baril ng suspek sa kanyang ate.

Sa labis na takot, humingi ng tulong ang biktima sa nagpapatrulyang mga tauhan ng Police Sub-Station 5 na mabilis namang rumesponde sa naturang lugar.

Inabutan pa nina P/Maj. Johnny Baltan, Commander ng SS5, si alyas Paul habang hawak ang baril kaya agad siyang dinamba at inagaw ang hawak niyang baril na kalaunan ay natuklasan na isang replica ng kalibre .45 M1911 pistol.