November 24, 2024

UNLI-LOCKDOWN PERO ‘DI KASAMA ANG AYUDA AT BAKUNA? – KABATAAN PARTYLIST (NCR balik ECQ)

Inanunsyo sa Inter-Agency Task Force (IATF) Resolution No. 130-A na isasailalim muli sa ECQ ang National Capital Region (NCR) mula Agosto 6 hanggang Agosto 20 upang sugpuin diumano ang mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil sa Delta variant. Ito na ang pangalawang beses na babalik sa ECQ ang Metro Manila sa loob ng mahigit isang taong mayroong pandemya.

“Mas napaghandaan pa sana ang mga bagong sumusulpot na variant. Pero wala nang ibang alam ang gobyerno kundi lockdown. Hindi pa rin sineseryoso ang testing, tracing, treatment at vaccination!” sabi ni Raoul Manuel, Kabataan Partylist National Spokesperson.

Sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, walang nilatag na agarang aksyon o plano para palakasin ang health care system sa kabila ng pagkalat ng Delta variant sa bansa. Hindi rin prayoridad ang pagpapasa ng Bayanihan 3 o ayuda bill.

“Unli-lockdown pero hindi kasama sa promo ang ayuda at bakuna? Hindi na natuto ang mga militaristang nagpapatakbo ng pandemic response: pulis at checkpoint pa rin ang nakikitang solusyon,” dagdag ni Manuel.