December 25, 2024

UNDERAGE OFWS, NASAGIP SA KAMAY NG SINDIKATO


Nagbabala ang Bureau of Immigration laban sa aktibidades ng mga sindikato na sangkot sa trafficking ng mga menor de edad at mga babaeng wala pa sa tamang edad na nanire-recruit para makapagtrabaho abroad.



Inilabas ni BI Commissioner Jaime Morente ang naturang babala matapos maharang ng mga opisyales sa international airport sa Pampanga at Maynila ang dalawang Overseas Filipino Workers (OFW) na nagpakita ng pekeng travel documents para palabasin na nasa tamang edad na sila upang magtrabaho sa ibang bansa.

Kinuha para makapagtrabaho bilang household helpers sa Saudi Arabia ang dalawa na kapwa nagmula sa Timog na bahagi ng bansa. Kapwa napigilan ang pag-alis ng mga ito ng mga miyembro ng BI travel control and enforcement unit (BI-TCEU).

Naharang sa Clark International Airport (CIA) si alyas “Ria” noong nakaraang Huwebes habang nasagip naman si alyas “Lea” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Biyernes.

Ayon kay Morente, hinihinalang pineke ng mga biktima ang kanilang mga kaarawan para makapasok sila sa age requirements para sa domestic helpers upang makapagtrabaho sa Saudi Arabia.

Lumalabas sa report nang makapanayam, hindi nagtugma ang sagot ng dalawang pasahero sa  mga pangunahing katanungan kaugnay sa kanilang edad at pinagmulan, na nagpatibay sa hinala na sila ay nagsisinungaling sa kanilang tunay na edad.

Sa huli ay inamin ni “Ria” na siya ay 20-anyos pa lamang at nagpakita pa ng iba pang mga ID at larawan habang suot ang kanyang high school uniform.

Inamin naman ni alyas “Lea” na siya ay 26 –anyos ngunit hinihanalang gumamit ng ibang identity ng ibang tao. Lumitaw sa record ng BI na ang pangalan na kanyang ginamit sa kanyang passport ay nakaalis na kamakailan lang para matrabaho bilang household helper sa abroad.


“We commend the efforts of primary inspector officers and the TCEU officers that prevented the departure of these victims,” said Morente. “Their vigilance again saved two of our kababayan from being victimized by unscrupulous recruiters who prey on our youth,”dagdag niya.

Kapwa itinurn-over ang mga biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para tulungang magsampa ng reklamo laban sa kanilang mga recruiter.