September 20, 2024

Umawat sa pagwawala ng kaibigan… 1 PATAY,  1 SUGATAN SA SAKSAK

INUNDAYAN ng saksak ng lalaking wanted sa kanilang lalawigan sa Northern Samar ang dalawa niyang kaibigan na umawat lang sa kanyang pagwawala na nagresulta sa pagkamatay ng isa sa Valenzuela City.

Nasawi habang ginagamot sa Valenzuela Medical Center ang biktimang si alyas “Balbas” 23, ng Donesa St., Balubaran, Barangay Mailnta sanhi ng tinamong mga tama ng saksak sa likod at tagiliran habang nakaratay naman ang naturang pagamutan ang isa pang biktiman si alyas “Irene”, 28 ng Melchor St., Barangay Malinta na may mga tama ng saksak sa magkabilang braso.

Nadakip naman ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang suspek na si Pepito Tenedoro alyas “Remmy”, residente rin ng Melchor St. na napagalamang kabilang sa most wanted person at may warrant of arrest sa kasong frustrated murder sa Regional Trial Court (RTC) Branch 21 ng Laong, Northern Samar na naganap noong Hunyo 12, 2022.

Lumabas sa pagsisiyasat ng mga tauhan ni P/Cpt. Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit (SIU) na dumalo muna sa isang birthday party ang magkakaibigan na magkasama rin sa trabaho noong Linggo kung saan may nakatalo na isa ring bisita ang suspek.

Nang magwala ang suspek, nagpasiya ang mga biktima na pilitin ang suspek na umalis na lamang sila at itinuloy ang pag-iinuman sa kanilang tinutuluyang sa Melchor St. Brgy. Malinta.

Habang nag-iinuman, muling nagwala ang suspek at nais balikan ang nakaalitan at habang inaawat siya ng dalawang kaibigan, dito niya ibinunton ang galit at pinagsasaksak ang mga biktima bago mabilis na tumakas.

Pasado alas-10 ng gabi nang muling bumalik ang suspek sa kanyang tinitirhan at dito na siya nadakip nina Capt. De Lima.