September 15, 2024

TUTOR ARESTADO SA PAGNANAKAW NG IPAD NG ESTUDYANTE

ARESTADO ang isang 24-anyos na babaeng tutor matapos nakawin ang Apple Ipad Mini ng kanyang 7-anyos  na estudyante, Biyernes ng gabi sa Valenzuela City.

Inamin ni Joy Bristol, ng Block 7, Lot 1, DAHOA Compound, M. Delos Reyes, Brgy. Gen. T. De Leon na naakit siyang sikwatin ang nasabing gadget na nagkakahalaga ng P40,000 at ipapalit ito sa Samsung J7 ng isang nagngangalang Marisol Echada na bibigyan pa  siya ng karagdagang P500.

Nabuking ang pangyayari ni Imey Longanilla, pamangkin ng ina ng biktimang Romelean Elaurza, 46, overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait, alas-2 ng hapon nang hindi niya makita ang gadget.

Ginamit ni Longanilla global positioning system (GPS) na  naka-install sa Ipad Mini at natunton ito sa tahanan ng suspek.

Humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay ng Gen. T. De Leon ang mga kaanak ng biktima na sumama sa kanila sa bahay ni Bristol dakong alas-10 ng gabi na nagresulta sa pagkadakip sa suspek at pagkabawi sa ninakaw na gadget. Tumayong complainant ang tiyahin ng biktima na si Ana Maria Elaurza Enriquez, 53 para sa kasong qualified theft laban sa suspek.