
MAKATI CITY — Limang miyembro ng kilabot na “Ativan Gang” ang naaresto ng Makati City Police Station sa mabilis na follow-up operation matapos ang insidente ng panloloob at panlilinlang sa isang 23-anyos na French national, ayon sa ulat ng Southern Police District (SPD).
Sa ilalim ng direktiba ni NCRPO Regional Director PMGEN Anthony A. Aberin na paigtingin ang anti-criminality operations, pinangunahan ni Acting Chief of Police PCOL Jean I. Dela Torre ang matagumpay na operasyon ng mga tauhan ng Makati CPS.
Naganap ang insidente noong Mayo 25, 2025, sa Burgos Street, Barangay Poblacion, Makati, kung saan nakasalamuha ng dayuhang biktima ang mga suspek habang patungo sa Ayala Center. Pinaikot siya ng grupo—kinaibigan, ipinakain, at inalok pa ng city tour. Sa gitna ng “pasyal,” isa sa mga suspek ang umano’y nagturok sa biktima ng hindi pa natutukoy na kemikal, dahilan upang mawalan ito ng malay.
Nagising na lamang ang banyaga sa loob ng isang nakaparadang taxi sa Gil Puyat Avenue, hilo at walang malay sa mga naganap. Nawawala na ang kanyang iPhone at P6,000 cash.
Agad siyang nagsampa ng reklamo sa Makati Substation 2. Sa tulong ng CCTV footage mula sa kainan kung saan sila huling nakita, natukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek—lahat ay may dating kaso ng kahalintulad na modus.
Noong Mayo 27, 2025, natunton ng biktima ang lokasyon ng kanyang ninakaw na cellphone sa Intramuros, Maynila gamit ang “Find My” app. Kasama ang tracker team ng Makati CPS-IDMS, nagtungo sila sa lugar at naaktuhang sasakay ng taxi ang mga suspek sa kanto ng 2nd Street at Mel Lopez Boulevard.
Agad silang inaresto. Nasamsam mula sa kanila ang iPhone ng biktima, mga ID, at iba pang personal na gamit. Ayon sa tala ng pulisya, dalawa sa mga suspek ay may kasalukuyang Warrant of Arrest para sa kasong pagnanakaw sa Mandaluyong at Maynila.
Ang mga suspek—mga lalaki’t babae na edad 40 hanggang 67—ay nahaharap ngayon sa kasong Robbery (Article 293, Revised Penal Code) na isasampa sa pamamagitan ng inquest sa Makati City Prosecutor’s Office.
Pinuri ni SPD Acting District Director PBGEN Joseph R. Arguelles ang maagap na aksyon ng mga imbestigador, tracker team, at mga tauhan ng Substation 2 ng Makati. “Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng dedikasyon at kahusayan ng ating mga pulis. Ito ay malinaw na mensahe sa mga sindikato—hindi kayo makakalusot.”
Dagdag pa ni Arguelles, tuloy ang kampanya ng SPD laban sa mga organisadong grupo. “Hindi lang mga residente kundi pati mga turista ay dapat makaramdam ng seguridad sa ating lungsod. Ang tagumpay na ito ay bunga ng disiplina, malasakit, at mabilis na aksyon ng ating kapulisan.”
Patuloy ang panawagan ng SPD sa publiko na maging mapanuri, mapagmatyag, at makipagtulungan sa mga otoridad upang tuluyang mapuksa ang kriminalidad sa Metro Manila.
More Stories
DOH: Walang Lockdown Dahil sa Mpox, Mag-ingat sa Fake News!
Pagpapalawak ng P20 rice program, pinuri ng Navotas solon
ILIGAL NA ‘PAKYAWAN’ PAY SYSTEM? TULFO AT DOLE SUMALAKAY SA PAGAWAAN NG CHICHIRYA