December 24, 2024

TUPADA SA ANTIPOLO NAMAMAYAGPAG KAHIT MAY COVID-19

Maraming magulang ang naghihinagpis sa pagtatayo ng tupadahan sa Boso-Boso National St., Antipolo City sa lalawigan ng Rizal.

Ayon sa ilang residente, imbes umano ibili ng ulam, dahil sa hirap ng buhay ngayon gawa ng COVID-19, aba’y nagawa pang payayang makapagtayo ng kanilang kupitan este kapitan ang tupada sa kanilang lugar.

Sinasabing isang alyas Inday ang namamahala sa iligal na sabong ng manok na nasa isang compound sa Chicken Joy game farm sa nasabing lugar.

Ang isa pang pinangangambahan ng mga residente ay ang posibleng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang siyudad dahil sa tupadahan na ito sapagkat dinadagsa ito ng mga tao dahil sa lakas ng tayaan.

Karamihan umano sa mga nalululong dito ay maliliit na manggagawa gaya ng mga driver at construction worker, tindero at iba pa kaya wala nang nauuwing pera sa kanilang pamilya.

Dahil dito, nanawagan sila kay Rizal Provincial P/Col. Joseph Arguelles na agad aksiyonan ang inirereklamong tupada sa kanilang lugar.

Maraming beses na nila itong inirereklamo sa Antipolo Police pero nagmimistulang bulag, pipi’t bingi ang mga ito dahil sa laki ng hatag nitong alyas Inday.

“Dapat may pera pang mauuwi ang aming mister, pero nauubos dahil sa patupada na ito nitong si Inday na pinayagan ng aming kapitan, sana hindi na siya manalo sa susunod na barangay election,” buwisit na pahayag ng isang ale sa lugar.

***

Coastal Cleanup 2020 sa Parañaque City

Ang lokal  na pamahalaan ng lungsod ng Parañaque sa pangunguna nina Mayor Edwin L. Olivarez at Congressman Eric L. Olivarez ay nakiisa  sa isinagawang “International Coastal Clean Up, Safe Ocean, Start at Home 2020”.

Tulong-tulong at nagtungo sa  Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Eco-tourism Area (LPPCHEA) ang dalawang Olivarez. Sa pakiisa ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA – Gen. Danny Lim at  GM Jojo  Garcia), Department of Environment and Natural Resources (DENR – Sec. Roy Cimatu at USec.  Benny Antiporda) at ng iba’t  ibang sektor ng  lipunan.

Matagumpay nilang naisakatuparan ang International Coastal Clean-up  sa lungsod ng Parañaque. Mabuhay kayo, mga sir!

***

Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09460243433 o mag-email sa [email protected]