April 2, 2025

Tuloy ngayong Abril 2… TAAS-PASAHE SA LRT 1 ‘DI NA KAYANG PIGILAN PA – PALASYO

Hindi na kayang awatin pa ang taas-singil sa pamasahe sa LRT 1, ayon sa Palasyo.

Ito ay sa kabila ng panawagan ng iba’t ibang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatigil ang kautusan ng Department of Transportation (DOTr).

“Gustuhin po natin man ‘no, gustuhin po ng administrasyon na ito po ay hindi muna maituloy pero iyan po kasi ang nakasaad sa kontrata,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“Kung hindi po ako nagkakamali, nabanggit po ito na matagal na po dapat nagtaas ng presyo pero hino-hold po ito para po sa ating mga commuters,” paliwanag ng Palace Press Officer.

“Pero tingnan din po natin ang sitwasyon kapag kasama po kasi ito sa kontrata at hindi po itinupad or natupad ng gobyerno ay mas magkakaroon po nang malaking problema ang ating mga commuters,” dagdag na pahayag ni Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Nakatakdang ipatupad ang bagong fare matrix ng LRT 1 sa Miyerkules, Abril 2. 

Maniningil ang private operator Light Rail Manila Corporation (LRMC) ng P10.00 na karagdagang singil sa pamasahe simula sa nasabing petsa.

Iginiit ng iba’t ibang grupo na may karapatan si Pangulong Marcos na baligtarin ang kautusan ng DOTr.

Kabilang sa mga naghain ng apela ay sina Bayan President Renato Reyes Jr. at Makabayan senatorial candidate Jerome Adonis ng KMU, Mody Floranda ng PISTON, at Mimi Doringo ng Kadamay. Sinamahan sila ni Mhing Gomez ng Anakbayan at Nanoy Rafael ng commuter group PARA.

Iginiit ng grupo na ang fare hike ay arbitrary dahil “no financial necessity” ng ipresenta sa petisyon para sa fare hike, tanging ang contractual obligation lamang para itaas ang pamasahe ng 10.25% kada dalawang taon.

Hindi rin nagpakita at nagbigay ang DOTr sa oppositors at publiko ng metrics para matukoy ang bagong pamasahe na tumaas ng P5.00 hanggang P10.00 depende sa layo o distansya ng byahe.

Naniniwala ang appellants na ang kasalukuyang concession agreement sa pagitan ng pamahalaan at LRMC ay “grossly disadvantageous” sa publiko.