December 24, 2024

TULOY ANG LABAN NI BARAKO BILANG MAYOR SA MAYNILA

Ang Barako ng Maynila walang laban na inaatrasan, ito ang binigyang diin ni dating Police General Elmer Jamias sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules.

Si Jamias ay tumatakbo ng  pagka-mayor ng Maynila upang kalabanin ang incumbent Vice Mayor na si Honey Lacuna.

Sa kabila ng kawalan ng makinarya, tiniyak ni Jamias na tuloy ang kanyang pagtakbo bilang alkalde ng Maynila kahit pa ang kanyang kalaban na si Lacuna ay may sapat na kakayanan bilang incumbent at sinusuportahan ni Mayor Isko Moreno.

Aniya, kung nasa kalaban man ang makinarya ang tao ang magpapasya dahil sila ang mga botante hindi ang makinarya.

Idinagdag pa ni Jamias na ang kanyang tanging sandata ay ang kanyang pagmamahal sa Maynila at mahigit tatlong dekadang paninilbihan bilang alagad ng batas.

Si Jamias ay tinaguriang “Barako ng Maynila” dahil sa ipinakita nitong katapangan, katapatan at kagitingan upang sugpuin ang kriminalidad sa lungsod sa panahon ng kanyang pag seserbisyo.

Ang katangiang ito ni Jamias ang nagbigay sa kanya ng ibat-ibang karangalan at nagpahanga kina dating Pangulo Macapagal-Arroyo at Duterte, gayundin ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan.

Ilan lamang sa mga prayoridad ni Jamias sakaling palaring maupo sa pagka -alkalde ang healthcare system, droga at peace and order sa Maynila.

Ipinangako din nitong aalisin ang mga mapagsamantala sa puder ng city hall. Gayunpaman, ipinangako nitong hindi magtatanggal ng mga empleyadong kaalyado ng kasalukuyang administrasyon.

Kanya ding itutuloy ang magagandang proyekto ng kasalukuyang administrasyon at papalitan ang hindi kapaki-pakinabang para sa mga Manileño.