January 23, 2025

TULONG, NEGOSYO at TRABAHO (TNT), SIGAW NG MGA PINOY

Florante Rosales

Napanood n’yo ba ang viral video sa facebook ng apat nating bayaning Overseas Filipino Workers na naging scavengers o nangangalakal ng mga basura ng Arabo sa Riyadh, Saudi Arabia?

Base sa video na ipinadala sa inyong lingkod ng isang administrator ng OFW Samaritan Group Volunteers, makikitang naghahalungkat ng pagkain at sirang gulay mula sa malaking garbage bin o basurahan sa gilid ng kalsada sa Riyadh ang mga kawawang Pinoy worker.

Napag-alaman ko na ang mga ito ay empleyado ng Team Time Company na pinabayaan ng kanilang employer at diumano’y hindi tumatanggap ng ayuda simula pa ng mag-lockdown noong December 2019 o 6 months ago.

Nakatatawid lang sila ng gutom sa tulong ng ilang nagmamalasakit na kababayan at kung may nakukuha silang itinapon na mga gulay sa basurahan mula sa ilang restoran doon.

Kwento pa ng isang OFW,  gutom na gutom na raw sila sa paghihintay ng pagkain kaya naisipan nilang maghanap ng gulay sa garbage bins sa Riyadh.

Nagmamakaawa na ang mga ito kay Pang. Digong Duterte na makauwi sa lalong madaling panahon para hindi na sila maghirap,  magutom at makapiling na ang mga pamilya sa Pilipinas.

Naninikluhod na kay PRRD sina OFWs Herbert Atienza, Robert Onofre at Alberto Lingad.

Sabi ni Atienza na inaabangan na nila ang “dini-dispose na mga gulay na  medyo bulok na,  kaya sa umaga po, pinupuntahan po namin para makuha namin ‘yung mga gulay, siya po naming niluluto, inuulam.”

“Sa mahal na Pangulong Rody Duterte, [sana] matulungan po kami’t mapauwi na. Marami na rin pong nagkakasakit sa’min dito at hindi rin po kami makapunta ng ospital dahil wala po kaming pamasahe at puno rin ng covid patients,” panawagan ni Robert Onofre kay Pres.  Duterte

Apela naman ni Mrs. Christina Atienza, “Sana po, Pangulo, mapauwi niyo na po ang aming asawa doon(Riyadh), matulungan niyo po kami. Bilang asawa po ng isang OFW na nagpapakahirap doon ay sobra rin po kaming nahihirapan dito.”

Hinaing pa ni Albert Lingad “kung wala pong magbibigay ng relief at tulong sa’min, talagang hirap na po kami. Hindi na po kami mapautang ng tindahan dahil gawa ng ‘di na kami makabayad ng utang.”

Sa exclusive interview sa DZRH,  sinabi ni Pablito Ocampo Jr., tubong Batangas,  nagawa ng mga kasamahan nilang construction workers na mamumulot na lang ng mga gulay dahil nadelay hanggang ‘di na sila pinasasahod at wala rin silang food allowance mula sa kanilang employer na Teamtime Company hanggang sa nag-lockdown. Ang Aero Allied ang local manpower nila sa bansa.

Simula pa nang mag-lockdown noong Enero,  dalawang beses pa lang umano silang nabigyan ng ayuda ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh pero hindi lahat nakinabang dahil kulang ito.

Nakausap naman nina DZRH anchors Deo Macalama at Karen Ow-yong si Labor Sec.  Bebot Bello III sa concerns ng may 400 OFWs at sinabing aaksyunan agad ang kanilang problema para makauwi ng bansa.

Sinabi ni Sec. Bello na hindi pababayaan ng pamahalaan ang mga OFWs na naipit sa lockdown sa iba’t ibang panig ng mundo.

Pero,  pinagalitan pa umano si Pablito ng POLO Welfare Officer na si Henry Tianero dahil nagsumbong sa media at nasermunan din sila ni Sec.  Bello.

Samantala, nananawagan na rin ng tulong na mapauwi ang 6 OFWs na sina Antonio Magno Jr., James Ruzwell Barrun, Guilbert Ramos, Harris Barrozo,
John Lee Notario at Rey Francis Clet na pawang kawani sa Al Amer restaurant sa Eastern region sa Saudi Arabia.

Sa liham ng grupo sa inyong lingkod via messenger,  narito ang kanilang hinaing.
“Nais lang po naming iparating sa mga opisyal ng ating Embahada ng Pilipinas na tulungan nyo po kame, ako at ng mga kasama ko ay nahihirapan na po dito sa aming pinagtatrabahuhan (Al Amer Restaurant) ang aming po Employer dito at Saed International, ang agency namin dito sa Saudi Arabia at Staffhouse International naman po ang local agency namin sa Pilipinas.
Simula pa po nung February 2020 ay hindi po kame sumasahod hanggang sa kasalukuyan, ilang beses narin po naming naireport ito sa aming mga Agency pero hanggang ngayon ay wala pang resolution. Sa katunayan po, diretso po ang pagtatrabaho namin sa aming kumpanya kahit sa banta po ng COVID 19, natatakot na din po kame dito isa-isang nagkakasakit ang mga kasama namin sa trabaho. Pero diretso trabaho pa din.
Nais na po sana naming umuwi ng Pilipinas, dahil hirap na din po kame dito. Nawa’y matulungayan nyo po kame.
Maraming Salamat po.”

Nakipag-ugnayan ang inyong lingkod kay Mr.  Jesse Gutierrez, President ng
Phil. Recruitment Agencies Accredited to Kingdom of Saudi Arabia (PRAASA) para maidulog ang problema ng mga kabayaning OFWS.

Agad  naman akong tinawagan ng personnel ng Staffhouse Agency na si Ma’am Renel at sinabing palagi silang nakikipag-ugnayan sa employer at sa kanilang counterpart na foreign recruitment agency na Saed International para matugunan ang concerns sa sahod at working conditions ng 6 OFWs.

Sinabi ni mam Renel na bilang local agency ay sinisikap nilang mabigyan ng lahat ng tulong at ayudang pagkain ang mga deneploy na OFWs.

Tiniyak naman ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na handa nilang tulungan ang naturang mga OFW at agad daw na bibigyan ng lunas ang kanilang sitwasyon sa Saudi.

Bukod sa problema ng OFWs,  nahaharap din ngayon ang Duterte administration sa paghahanap ng trabaho sa higit pitong milyong Pinoy na unemployed dahil sa pandemya.

Sa latest Labor Force Survey ng Phil.  Statistics Authority, umabot na sa 17.7 percent o katumbas ng 7.3 million Pinoy workers ang jobless hanggang nitong Abril 2020 at inaasahan naman ng ilang labor groups na papalo ito sa 10 milyong manggagawa hanggang sa katapusan ng taon.

NEGOSYO,  SAGOT SA UNEMPLOYMENT

Ang unti-unting pagbubukas ng mga negosyo at essential industry at iba pang establishments, gaya ng malls,  dine-in sa mga restaurants ang nakikita ng Department of Trade and Industry na reresolba sa lumalalang unemployment sa bansa.

Para maiwasan ang pagkalat ng virus, magpapatupad ang mga magbubukas na malls, car dealers,  restoran at food chains ng mahigpit na health protocols sa kanilang establishments.

Umusbong na rin ang online selling na kahit papaano ay kumikita ng pangtawid-gutom ang mga maliliit na entrepreneur.

Ang kaso,  gustong patawan ng gubyerno ng buwis ang online business  na malaking dagok naman sa mga negosyanteng hikahos pa at hindi pa nakababangon sa malubhang krisis.

Banat ng ilang administration Senators, hindi napapanahon at ‘di makatwiran ang plano ni Finance Sec.  Sonny Dominguez at BIR Commissioner Ceasar Dulay na patawan ng buwis ang mga online seller.

Sa halip na gipitin ang mga online seller,  giit naman nina Sen.  Rissa Hontiveros at Sen. Joel Villanueva na dapat singilin ng BIR at PAGCOR ang mga Chinese operator ng Phil.  Offshore Gaming Operations o POGO dahil sa laki ng kanilang utang sa buwis.

KA-TROPA BILL, NOW NA!

Nakaisip naman ng solusyon si Senadora Imee Marcos para agad tugunan ng pamahalaan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng walang trabaho sa bansa na umabot na nga sa 7.3 million Filipinos.

Bilang chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, naghain si Marcos nitong Hunyo ng “TROPA” bill o ang “Trabaho sa Oras ng Pandemya” Act, na magbibigay ng mabilis na solusyon sa  unemployment rate sa Pilipinas.

Sa bisa ng TROPA bill, dapat na ma-consolidate ang mga hakbangin ng Legislative at Executive para makapagbigay ng alternative opportunities o hanapbuhay ang mga nawalan ng trabaho mula noong Enero nang humataw ang pandemya sa buong mundo.

Nakalulungkot isipin na mas lulubha pa ang susunod na mga panahon kung hindi ito maagapan ng Duterte administration dahil tiyak na delubyo ang idudulot nito sa ating ekonomiya matapos palawigin pa hanggang June 30 ang General Community Quarantine.

Nakita ni Marcos na pwedeng i-hire ng gobyerno ang mga repatriated OFW sa Build-Build-Build projects ng gobyerno, at pagbangon ng turismo sa buong  bansa.

Sa TROPA bill, may P200 million pondo na patatakbuhin ng isang inter-agency council na pamumunuan ng Department of Labor and Employment (DOLE), at kung kakailanganin ng dagdag na pondo ito ay idedetermina ng Department of Budget and Management.

Sa TROPA bill, sinabi ni Marcos na dapat tiyakin na magkaroon ng makatwiran at humane working conditions, health insurance, hazard pay at social security benefits sa mga iha-hire na obrero.

Para sa inyong mga komento at suhestyon, mag-email lang sa [email protected].