Hindi bababa sa 500 Palaweño ang nakatanggap ng tulong medikal mula sa Opisina ni Senador Alan Peter Cayetano sa pamamagitan ng isang malawakan na medical caravan sa apat na ospital, na wala pang nakagagawa sa probinsya ng Palawan, ngayong linggo.
Noong June 26, nag-set up ang team ni Cayetano ng mga medical assistance desk sa Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City at sa Aborlan Medicare Hospital sa Aborlan.
Kinabukasan, June 27, nagtungo sila sa Northern Palawan Provincial Hospital sa Taytay at sa El Nido Community Hospital sa El Nido upang matugunan ang daan-daang lokal na nakatira sa hilagang bahagi ng Palawan na nangangailangan ng tulong medikal.
Namahagi din ang Cayetano team ng pagkain sa mga pasyenteng naghihintay ng kanilang pagkakataon para makakuha ng tulong, na karamihan ay naka-admit sa pediatric, non-COVID-19, at maging sa isolation wards.
Kabilang sa mga ito si Brenda Bermas, isang ina mula sa Barangay San Miguel sa Puerto Princesa City na ang anak ay kamakailan lamang na nakalabas sa Ospital ng Palawan dahil sa isang car accident.
Sa tulong na nakuha niya para sa balanse ng hospital bill ng kanyang anak at iba pang pangangailangang medikal, nagpasalamat siya sa Diyos sa paggamit ng medical assistance program ni Cayetano upang mabiyayaan ang kanilang pamilya.
“Sobrang thankful na unexpected ang mabilis na pag process ng bills namin. Hindi ko po maexplain yung saya na nararamdaman ko. Malaking tulong po ito. Gagamitin po namin ito para sa bills at bibilhin na mga gamot. At the same time, may check up po sa heart niya,” sabi ni Bermas.
“Na-amaze po ako sa ginawa ni Lord ngayon. Itinataas ko po si Lord sa buhay naming pamilya kasi Siya talaga ang kumilos sa araw na ito. Thank you rin po sa mga taong ginamit Niyo, tulad ni Senador Alan Peter at Senador Pia Cayetano sa araw na ito,” dagdag niya.
Isa pang nakinabang sa tulong medikal mula sa Ospital ng Palawan ay si Jackelyn Luyas, na humingi ng tulong para sa kanyang ate na may diabetes at psoriasis.
“Gagamitin ko po ito para madagdagan ang pang bayad sa bill ng ate ko na naka-admit. Nagpapasalamat po ako sa programa nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano. Thank you po,” sabi ni Luyas.
Sa day 2 ng medical caravan, nagpasalamat sa tulong medikal si Anna Marie Bellica, na ang kapatid ay naka-admit sa Northern Palawan Provincial Hospital dahil sa pamamaga ng tiyan at cyst.
“Kakamatay lang po kasi ng mother namin, tapos ito po, financial problema na naman. Pinagpapray ko po talaga na gumaling na ang kapatid ko… Mas maganda po itong ganito. Sana po tuloy-tuloy ang pagtulong ni Senator Cayetano sa mga mahihirap,” aniya.
Nagpasalamat din siya sa karagdagang tulong medikal na natanggap niya para sa kanyang kapatid na ililipat sa Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City dahil sa isang medical procedure na wala sa Taytay.
“Lilipat po kami ng ospital sa Puerto Princesa City, at ngayon binigyan po kami ng pangalawang medical assistance galing kay Senador Alan Peter and Pia Cayetano. Thank you din po kay (Palawan First District) Congressman Egay Salvame sa tulong na ito,” wika ni Bellica.
Karamihan sa mga pasyente ay nakatanggap ng tulong sa kanilang mga bayarin sa ospital, mga gamot, mga pagsusuri sa laboratoryo, at iba pang medical procedures.
Karamihan sa kanila ay may karamdaman na dengue, diabetes, sakit sa paghinga, sakit sa atay, hypertension, chronic kidney disease, kanser, komplikasyon sa panganganak, at maging problema sa ngipin.
Ang mga medical assistance desk ay ginawa sa pakikipag-ugnayan kay Dr. Mario S. Baquilod, Officer-in-Charge ng Office of the Regional Director ng Department of Health Center for Health Development (DOH CHD) Region 4B.
Ginawa rin ito sa pakikipagtulungan nina Ospital ng Palawan Medical Chief Dr. Melecio N. Dy, Aborlan Medicare Hospital Chief of Hospital Dr. Stenely Manuel, Northern Palawan Provincial Hospital Chief of Hospital Dr. Juvelito Ang, at El Nido Community Hospital Chief of Hospital Dr Robert Angelo Arrieta.
Isinagawa ang medical caravan sa pakikipag-ugnayan kina Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron at Palawan First District Rep. Edgardo “Egay” Salvame.
More Stories
TRILLANES TUTURUAN NG LEKSYON NI DIGONG
CALINISAN BAGONG NAPOLCOM COMMISIONER
CATANDUANES, CAMARINES SUR SIGNAL NO. 5 KAY PEPITO