December 23, 2024

TULFO SA DFA: MAG-HIRE NG DEKALIBRENG ABOGADO NA HAHAWAK SA OFW-RELATED CASES

Hinimok ni Senator Idol Raffy Tulfo ang Department of Foreign Affairs (DFA) na palakasin ang free legal services para sa mga distressed Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pamamagitan ng pagkuha ng mga de-kalibreng abogado na hahawak ng mga kasong kinakaharap nila.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers hinggil sa ilang panukalang batas na naglalayong palakasin ang tulong pinansyal at legal sa mga OFWs ngayong araw (Enero 17), sinabi ni Tulfo na dapat pag-igihin ng DFa para maimprove ang diumano’y mababang acquittal rate ng mga kaso na kinasasangkutan ng mga OFWs laban sa mga mapangabusong employers.

“Dapat ay magaling at dekalibreng abogado ang kukunin ng DFA, yung kayang ipanalo ang kaso,” ani Tulfo na Chairperson ng Committee of Migrant Workers.

Sa nasabing pagdinig, isa sa mga napag-usapan ay ang diumano’y zero acquittal sa mga kaso na may kinalaman sa OFW na hinahawakan ng DFA retained lawyers mula Enero hanggang Hunyo 2022.

Hiniling din ni Sen. Idol kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega na tiyakin na ang mga opisina sa ibang bansa para sa mga OFWs ay bukas sa buong working hours kada araw o higit pa, upang matugunan ang mga OFWs na nangangailangan ng tulong.

Ibinahagi ni Tulfo na ilang mga OFWs na nakilala niya sa isang trip abroad ang nagreklamo na ang mga empleyado ng DFA sa ibang bansa ay nagtatrabaho lamang ng “half day” dahil diumano sa ibang “paper works.”

Giit ng Senador mula sa Isabela at Davao, dapat ay mayroong nakakausap ang Pilipino na gustong lumapit for assistance sa konsulada habang ang ibang empleyado ay busy sa ibang gawain.

Sinabi ni de Vega na agad niyang titignan ang problema at tatawagan ang embahada abroad para liwanagin ang isyu.