Sinadya ni Sen. Idol Raffy Tulfo si Pangulong Bongbong Marcos sa MalacaƱang kahapon, May 15, para ilatag ang energy security ng bansa partikular na ang energy grid systems operator o ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ang 40% ng ownership ng NGCP ay pag-aari ng State Grid of China at 60% ay Filipino. Ani Tulfo, “nagdudulot ito ng seryosong banta sa ating national security kung iisipin natin ang nagaganap ngayon na sigalot sa pagitan ng China at Pilipinas dahil sa West Philippine Sea.”
Kaya iminungkahi niya kay PBBM na ibalik sa National Transmission Corporation (TransCo), isang government entity, ang systems operation ng transmission grid ng bansa at maiiwan na lang ang maintenance sa NGCP.
Sinabi ni Tulfo na may intel report na nagsasabing may kapabilidad ang China para ma-access remotely ang ating national grid at isabutahe ito.
Katunayan, sa planta ng NGCP, lahat ng nakapaskil na instructions patungkol sa operations ng mga sensitibong equipment, maging ang mga manuals nito, ay nakasulat sa Chinese characters at walang Filipino technician ang nakakaintindi at nakakalam kung paano i-operate ang mga ito.
Bukod pa rito, ipinarating din ni Sen. Tulfo ang samu’t-saring violations ng NGCP sa kanilang franchise contract, gaya ng hindi pagsunod sa timely development and connectivity sa main grid ng mga energy power sa iba’t ibang probinsya. Sinabi rin ni Sen. Tulfo na ang mga ito ay sapat nang dahilan para kanselahin ng gobyerno ang kanilang prangkisa.
Dagdag pa ni Sen. Tulfo, malaking parte ng bilyon-bilyong kinikita ng NGCP ay napupunta sa mga shareholders at hindi para sa system development.
Bagamat 40% lang ang hawak ng mga Chinese shareholders, sa ilalim ng kanilang shareholder’s agreement, sila ang may kapangyarihang mag-veto o magbasura ng board resolution ng majority shareholders.
“Sa madaling salita, magagawa ng Chinese shareholders ang lahat ng kanilang gusto pagdating sa pamamalakad ng NGCP. Ito ang dahilan kung bakit ngayon ay nagkakagewang-gewang ang ating energy situation,” saad niya.
Sumang-ayon naman ang pangulo sa mga suhestiyon ni Sen. Tulfo basta’t ito’y para sa ikabubuti ng sambayanang Pilipino.
Naghain din si Tulfo ng Senate Resolution (SR) No. 609 para paimbestigahan ang NGCP.
More Stories
ZERO BUDGET DESERVE NI VP SARA – ESPIRITU
IMEE, VILLAR UMABOT NA SA P1-B ANG GASTOS SA POLITICAL ADS
KUWAITI NATIONAL UMAMIN SA PAGPATAY SA OFW