November 3, 2024

TULDUKAN ANG PLAN’DEMYA!

HINDI ba kayo nakahahalata? Pinaiikot na ang mamamamayan sa Kamaynilaan at karatig sa pagpapatupad ng community quarantine.

Actually sinasabi lang na extension pero tuluy-tuloy naman ang  implementasyon ng quarantine mula pa noong nakaraang  taon na  nangangahulugan ng bukas-sara ng ekonomiya sa kanilang TRIAL and ERROR na sistema.

Iluluwag na kaunti para modified kuno pero kapag nagbigay ng dagdag numero ang istadistika  mula sa nakadududang report ng DoH at IATF ay dusa na naman si pobreng Juan na kukulungin muli sa bahay imbes maghanapbuhay kahit tumutugon sa health protocol nilang face mask, face shield, alcohol, hugas- kamay at social distancing.

Sino ba ang mga natutuwa at wa-epek kahit taon pa ang abutin ng lockdown?

Opkors iyong maraming istak sa kanilang baul, mga pulitiko na switik kahit iyong mga patas (taga-IATF ang iba)kasi may panggastos sila kahit  tumigil ang hanapbuhay.

Iyong ilang mga LGU’s at taga social welfare na  makikinabang sa madedekwat na ayuda para sa tao mula sa gobyerno nasyunal  pero hindi buong nakararating sa tao.Pruweba ito noong nakaraang taong ayuda na sa waes na bulsa  napunta ang cash’witikan, meron bang naparusahan?

Iyong mga kupalitikong  makakakupit ng cash relief  na pambili na nila ng boto sa darating na eleksiyon.

Mga tiwaling doktor na tumitipak sa paggamit sa nakauumay na covid na di basta kita lang kundi kamal ng limpak na salapi.

Ang sasalo ng dusa ay ang masang manggagawa partikular silang  arawang trabahador,  small and medium entrepreneurs, free lancers, industriya ng sining at larangan ng sports, iyong mga kahig nang kahig pero halos walang  matuka at iba pang sektor na  napaikot ng  kapraningang gawa ng kasamaan.

Paano kung ‘di na magbago ang numero? Matatagalan pa ba ito ng sambayanan?

Panahon na para pagtuunan ng kumprehensibong atensiyon ang tunay na pinanggagalingan ng numero ng mga nagpopositibo.

Gaano katotoo kung covid nga o dati nang karamdaman ang deklarado para isama nila sa covid stats?

Dapat iestablisa kung ang kinatakutang virus nga ang dahilan ng pagtaas ng mga may sakit. Wala na ngang naglalabas ng numero ng mga namamatay sa ibang deadly na karamdaman ng tao. (Baka kahit na karaniwang pilay ay virus na ang dahilan?)

Tingnan din ang anggulong pulitikal dito. Posibleng may sumasabotahe  na masasamang elemento sa pulitika para pasamain ang administrasyon o mismong taga-gobyerno na ang loyalty ay nasa kabilang bakod.