November 24, 2024

‘TULAK’ TIMBOG SA P170K SHABU SA CALOOCAN

Swak sa kulungan ang isang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos madakma sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) chief PLTCOL Renato Castillo ang naarestong suspek na si Larry Gonzaga, 40, (watchlisted) ng 657 Libis Baesa Brgy. 160 Sta. Quiteria.

Dakong ala-1 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni PMAJ Amor Cerillo ng buy-bust operation sa kahabaan ng Libis Baesa Brgy. 160 Sta. Quiteria kung saan isang undercover police na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P50,000 halaga ng droga.

Matapos tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang large knot tied plastic ng hinihinalang shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba.

Nakuha sa suspek ang humigit-kumulang sa 25 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P170,000 at buy-bust money na isang tunay na P1,000 bill at 49 pirasong P1,000 boodle money.