October 18, 2024

‘Tulak’ tiklo sa P6.8M shabu sa Valenzuela

NASABAT ng mga awtoridad sa isang hinihinalang tulak ng illegal na droga ang nasa P6.8 halaga ng shabu matapos maaresto sa buy bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.

Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Nash”, 44 at residente ng Brgy. Parang Maguindanao.

Sa ulat, nagsagawa ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) RO-NCR Quezon City District Office, katuwang ang Police Sub-Station 1 at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-11:30 ng umaga sa Captin Cruz corner Service Road, Brgy. Parada.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 1000 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P6,800,000, buy bust money, cellphone at gamit nitong sasakyan na isang Toyota Rush. Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.