December 19, 2024

Tulak tiklo sa drug bust sa Valenzuela

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang drug personality matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr. ang naarestong suspek na si Dante Lalog Jr, 38 ng Jorenz St., Tanada, Brgy. Gen. T. De Leon.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Destura na dakong alas-3:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PEMS Restie Mables sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt. Ronald Sanchez ng buy bust operation sa Rami St. corner Urrutia St., Brgy., Gen. T. De Leon.

Isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P500 halaga ng droga at nang tanggpin niya ang marked money mula sa pulis kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba.

Nakumpiska sa suspek ang nasa 1.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P10,200, buy bust money, P200 recovered money at isang itim na coin purse. Ani SDEU investigator PSSg Carlos Erasquin, mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of RA 9165 ang suspek na pangatlong beses na aniya itong nadakip ngayon dahil sa illegal na droga.