January 22, 2025

Tulak, parokyano tiklo sa baril at P90K shabu sa Malabon

LAGLAG sa kulungan ang isang babaeng listed drug pusher matapos makuhanan ng baril at P90K halaga ng shabu nang maaresto, kasama ang kanyang parokyano sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) OIC Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong mga suspek na si alyas “Miling”, 20, at alyas “Jayson”, 31, scavenger, kapwa ng residente ng Brgy. Longos.

Ayon kay Col. Baybayan, bago ang pagkakadakip sa mga suspek ay unang nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ni alyas Miling.

Nang magawang makipagtransaksyon ng droga kay alyas Miling ng isa sa mga operatiba ay agad ikinasa ng SDEU ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-11:10 ng gabi sa Valdez St., Extension, Brgy. Catmon.

Ayon kay Col. Baybayan, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 13.25 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P90,100.00, P500 buy bust money, itim na pouch at isang motorsiklo habang ang isang caliber .38 revolver na kargado ng tatlong bala ay nakuha kay ‘Miling’.

Ani PSSg Jerry Basungit, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagan pa na kasong paglabag sa RA 10591 ang kakaharapin ni alyas Miling.