PATAY ang isang suspect habang nakatakas ang isa pang hindi nakilalang suspect sa ginawang buy-bust operation ng mga otoridad sa Taytay, Rizal kaninang madaling-araw.
Naisugod pa sa Taytay Emergency Hospital ang suspek na si Ahmad Iqbal Mama ngunit dineklarang dead on arrival ng attending physician na si Dr. Leopoldo Avelino.
Sa inisyal na impormasyon, alas-2:40 ng madaling-araw nang isagawa ang buy-bust operation nang magkasanib na operatiba ng Taytay Municipal Police Station na pinamumunuan nina PCPT Jayson Aguilar at PIU-DEU PCPT Nilo A. Morallos sa Brgy. San Juan, Taytay, kung saan nagpanggap na bibili ng bawal na droga ang isang pulis.
Matapos ang abutan ng bawal na droga ay akmang aarestuhin ng buyer na pulis ang mga suspek ngunit pinaputukan ang mga operatiba kung saan nagkaroon pa ng habulan sa pagitan ng mga otoridad at suspek.
Nasukol ng mga pulis si Iqbal na nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan, ngunit dinala pa rin ng operatiba sa pagamutan kung saan siya binawian ng buhay.
Nakatakas naman ang isang suspect patungong direksyon ng Kaytikling.
Kabilang sa mga narekober sa mga salarin ay isang bag na naglalaman ng isang guanyinwang refined chinese tea na may hinihinalang shabu na tumitimbang ng isang kilo at may street value na ₱6.8 million; 2. 669 na piraso ng pekeng sanlibong piso, isang pekeng sanlibong pisong papel, boodle money at buy-bust money na nagkakahalaga ng ₱700,000.00.
Nagsagawa na rin ng dragnet operation ang Taytay police para sa ikadarakip nang nakatakas na salarin.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA