January 23, 2025

Tulak kulong sa P558K marijuana sa Navotas

SHOOT sa kulungan ang isang umano’y bigtime na tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit kalahating milyong halaga ng marijuana nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang naarestong suspek na si alyas Leiym, 20, at residente ng Brgy. 16, Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Cortes na nakatanggap ng impormasyon ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) mula sa isang Regular Confidential Informant (RCI) hinggil sa umano’y pagbebenta ng marijuana ng suspek.

Isinailalim ng SDEU sa validation ang suspek at nang positibo ang report ay agad ikinasa nila ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Capt. Genere Sanchez makaraang magawa nilang makipagtransaksyon sa kanya ng P32,000 halaga ng marijuana.

Nang tanggapin ng suspek ang marked money na binubuo ng isang tunay na P1,000 at 31-pirasong P1,000 boolde money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang cling wrapped ng marijuana ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-11:24 ng gabi sa Tanigue St., Brgy. NBBS Dagat-dagatan.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 4655 grams ng hinihinalang marijuana na may standard drug price value na P558,600.00, buy bust money, P150, recovered money, bag pack at eco bag.

Ayon sa pulisya, kasong paglabag sa Section 5 at 11 under Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isasampa nila laban sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.