January 24, 2025

Tulak kulong sa P100K shabu sa Caloocan

SHOOT sa kulungan ang isang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Maj. Dennis Odtuhan ang naarestong suspek na si John Michael Paguia alyas “Nognog”, 18 ng 105 BMBA Compound, 3rd Avenue, Brgy. 118.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Odtuhan na nakatanggap sila ng impormasyon na nagbebenta umano ng illegal drugs ang suspek kaya ikinasa nila ang buy bust operation sa pangunguna ni PSMS Michael Tagubilin sa bahay ni Paguia dakong ala-1:40 ng madaling araw.

Nagawang makipagtransaksyon ng isang undercover police sa suspek ng P7,500 halaga ng droga at nang tanggapin nito ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.

Nakumpiska sa suspek ang humig’t kumulang 15 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P102,000.00 at buy bust money na kinabibilangan ng isang tunay na P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.