HINATULAN ng dalawang habambuhay na pagkakulong ng hukuman ang isang lalaking tulak ng ilegal na droga matapos mapatunayang nagkasala sa pagbebenta at pag-iingat ng shabu sa Navotas City.
Batay sa 18-pahinang desisyon ni Navotas Regional Trial Court (RTC) Judge Romana P. Lindayag Del Rosario ng Branch 287, malinaw na nailatag ng Tagausig ang mga ebidensiyang magpapatunay na dinakip sa isang buy-bust operation si Saipoden Hadjimacmod Guinal, residente ng Quiapo, Maynila, at nakumpiska pa sa kanya ang 673.31 gramo ng shabu noong gabi ng Hunyo 25, 2021.
Naging matibay ang mga inihayag na testimonya ng mga tauhan ng Navotas police na noon ay pinamumunuan ni P/Col. Dexter Ollaging, kaugnay sa pagsasagawa ng buy-bust operation, bukod pa sa pagtestigo ng batikang mamamahayag at isang kagawad ng barangay na nakasaksi sa police operation at sa pag-imbentaryo sa nakumpiskang droga..
Hindi pinaniwalaan ng korte ang depensa ni Guinal na isa siyang negosyante at may kausap pang customer na bumibili ng singsing at bracelet sa harap ng Quiapo Church nang puwersahan siyang damputin ng mga pulis noong Hunyo 25, 2021 ng alas-11 ng tanghali at pina-withdraw pa ang lahat ng kanyang naipong salapi sa bangko.
Nang tanungin ng Tagausig ang akusado kung may business permit o anumang patunay na siya’y negosyante ng alahas, wala siyang maipakita at bigo rin siyang patunayan na nag-withdraw siya ng salapi sa bangko.
Hindi rin mapatunayan ni Guinal na may kausap siyang buyer sa Quiapo nang damputin siya ng mga pulis at kahit batid ng kanyang ina at dalawang kapatid na nasa loob siya ng piitan, hindi siya dinalaw ng mga ito at hindi rin nag-report sa pulisya kung totoo ngang dinampot siya sa Quiapo at puwersahang pinag-withdraw ng salapi.
Bukod sa dalawang habambuhay na pagkabilanggo, inatasan din ng hukuman si Guinal na magbayad ng kabuuang P1 milyong pisong multa para sa pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY