January 24, 2025

Tulak arestado sa P102K shabu

Bagsak sa kulungan ang isang alyas Bossing na tulak ng ilegal na droga matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Caloocan city, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr. ang naarestong suspek na si Benedick Sagum, alyas “Bossing”, 22, (watch listed) ng 166 9th St. 11th Ave., Brgy. 93.

Ayon kay Col. Mina, dakong 6:30 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) warrior sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo sa bahay ng suspek matapos ang natanggap na mga reklamo hinggil sa pagtutulak umano ng nito ng illegal na droga.

Isang undercover police na nagpanggap na buyer ang nagawang makabili sa suspek ng P7,500 halaga ng shabu at nang tanggapin ni Sagum ang marked money mula sa pulis ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.

Nakumpiska sa suspek ang aabot sa 15 gramo ng shabu na tinatayang nasa P102,000 ang halaga at buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong piraso na P1000 boodle money. Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.