December 24, 2024

TUCP nagbabala sa pagdagsa ng Chinese workers sa critical industries

NABABAHALA ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCO) sa pagdagsa ng mas maraming manggagawang Chinese sa critical infrastructures at industries sa bansa na nagdadala ng mas seryosong implikasyon sa lokal na trabaho at pambansang seguridad.

Dahil dito, welcome development para sa TUCP ang kahandaan ng Senado na silipin ang napapaulat na dumaraming undocumented foreign workers hindi lamang sa construction at POGO online gambling  ngunit upang tingnan din ang epekto sa mga alalahanin sa pambansang seguridad na ikinababahala ng nasabing labor group.

Ayon kay TUCP Spokesperson Allan Tanjusay, nakakapasok ang Chinese workers sa pamamagitan ng tied-aid projects katulad ng Kaliwa dam, ang third telecommunications provider, railways projects at sa loob ng National Grid Corporation of the Philippines.

Aniya, kung mapapanatili ang presensya ng mga Tsino sa power, water, communications, transport at construction industries, maituturing itong national security concerns.

Patunay rin aniya ito na walang malinaw na koordinasyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Department of Transportation (DOTr), Department of Communications and Technology (DICT) at ibang ahensya ng gobyerno kaugnay ng big ticket items na mayroong job generation potential.

Ngayon aniyang nasa 10% lang ang employment rate dahil sa pandemya, malaking kawalan sa mga Pilipino ang oportunidad na ibinibigay sa Chinese workers.