November 24, 2024

TUCP MAGHAHAIN NG WAGE HIKE PETITION SA MARSO 14

Pormal nang maghahain sa Lunes, Marso 14, ang Trade Union Congress (TUCP) ng petisyon sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa hirit na dagdag pasahod sa gitna ng sunod-sunod na pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo at ng mga bilihin.

Ayon kay TUCP President Raymond Mendoza, inihahanda na nila ngayon ang petisyon.

Gayunman, hindi pa nito binabanggit kung magkano ang inihihirit nilang wage increase.

Ikinalugod ng TUCP ang direktiba ng DOLE sa Regional Tripartite Wage and Productivity Boards na i- review ang minimum wages sa 17 rehiyon sa bansa.

Ani Mendoza, dapat nang ihinto ng gobyerno ang barya-baryang subsidy o ayuda na ipinamumudmod sa mga manggagawa.

Panahon na aniya na gumawa ng out of the box o kongkretong solusyon ang pamahalaan upang pahupain ang lumalawak na diskuntento sa hanay ng mga manggagawa na nasa gitna ng survival problem.

Giit ni Mendoza, habang unti-unting natatapyas ang kayang mabili ng Philippine peso dahil sa inflation ay halos tatlong taon nang walang nangyaring wage increase sa Metro Manila at sa mga rehiyon.

Ngayong pumasok na sa ika-14 na araw ang kaguluhan sa Ukraine, pinabilis ng sitwasyon ang pagtaas ng presyo ng bilihin.