November 24, 2024

Tubo ng tubig pumutok; bahagi ng Ramon Magsaysay Boulevard, Sta. Mesa bumaha

Nagdulot ng matinding pagbaha ang pagputok ng tubo ng tubig sa Ramon Magsaysay Boulevard kanto ng Pureza Street, Sta. Mesa, Manila ngayong araw ng Biyernes. Matinding trapik ang inabot ng ating mga kababayan dahil sa pangyayari. (Kuha ni NORMAN ARAGA)

HINDI madaanan ng light vehicles ang bahagi ng Ramon Masaysay Boulevard sa Sta. Mesa, Manila dahil sa pagputok tubo ng tubig kaninang umaga.

Ayon sa report may lalim na dalawang metro ang nasabing pagbaha na nadulot ng matinding trapik sa lugar.

Ayon kay MMDA staff Zandro Bondoc, na nakatanggap sila ng report kaugnay sa nangyaring insidente sa lugar ng Altura, Sta. Mesa dakong alas-6:00 ng umaga na agad nilang ipinaalam sa Maynilad.

“Kaninang bandang alas-sais may nagreport sa amin na may sumabog na tubo ng Maynilad dito sa pagbaba ng Altura bridge. Ngayon pumunta agad kami dito para i-check kung tutuo ‘yung report, nakita namin biglang nagbaha na ganito kalalim na not passable to light vehicles,” saad niya.

“Natawagan na po namin ‘yung Maynilad, hinihintay na lang po namin ang feedback nila,”  dagdag niya.

Pinayuhan niya rin ang mga motorista na iwasang dumaan sa naturang lugar. Aniya na ang mga sasakyan na galing sa Divisoria ay maaring dumaan sa Lacson Avenue patungong España at iba pang direksiyon sa Quezon City,

Samantala, ang mga manggaling sa Quezon City patungong Legarda ay maaring dumaan sa Old Sta. Mesa, gayundin sa Pandacan patungong Quirino at iba pang destinasyon.