December 22, 2024

TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA

Bagama’t hindi natitinag si Vice President sa mga political attacks laban sa kanya, pero hindi rin maitatanggi na naapektuhan ang kanyang popularidad dahil sa mga kontrobersiya na kinasasangkutan niya partikular sa paggamit niya sa pondo ng bayan gayundin ang madugong giyera kontra droga ng kanyang ama.

Batay kasi sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Nobyembre 26 hanggang Disyembre 3, 2024, lumalabas na double-digit ang ibinaba ng trust at approval ratings ng Pangalawang Pangulo kung ikukumpara sa nakaraang survey noong Setyembre 2024.

Ang approval rating ni Duterte ay bumaba mula 60% patungong 50%, habang ang kanyang trust rating ay bumagsak mula 61% patungong 49%.

Isinagawa ang survey sa gitna ng imbestigasyon ng House of Represntatives kaugnay sa umano’y maling paggamit sa milyong-milyong pisong halaga ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at nang pamunuan niya ang Department of Education (DepEd) bilang kalihim.

Maging ang madugong giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay tinalupan din ng Kamara.

Noong katapusan ng Nobyembre, nagsagawa ng virtual press conference si VP Sara kung saan inamin nito na may inutasan siya para patayin sina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos and House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.

Nahaharap si VP Sara sa tatlong impeachment complaints sa Kmara, na ayon sa kanya ay bahagi ng plano ni Romualdez para burahin siya bilang kandidato sa halalan sa pagkapangulo ng 2028.