December 24, 2024

Truck helper sinaksak sa batok ng basurero

NASA malubhang kalagayan ang isang truck helper matapos saksakin sa batok ng isang basurero habang natutulog ang biktima sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Patuloy na inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa batok ang biktimang si Diosdado Samson, 48 ng Blk 11 Lot 35 Brgy. Longos.

Ipinag-utos naman ni Malabon police chief Col. Jessie Tamayao ang pagtugis sa suspek na kinilalang si Angelo Piolo, nasa hustong gulang ng Lot 3 Blk 12 Brgy. Longos.

Sa imbestigasyon nina PSSg Diego Ngippol at PSSg Jeric Tindugan, dakong alas-11 ng gabi, natutulog ang biktima sa kanilang truck na nakaparada sa Hasa-Hasa St. Brgy. Longos nang lapitan ito ng suspek at tinarakan sa batok.

Matapos ang pananaksak, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon habang nakahingi naman ng tulong ang biktima sa kanyang driver na nagtakbo sa kanya sa naturang pagamutan.

Inaalam pa ng mga pulis ang motibo ng suspek sa pananaksak sa biktima.