November 5, 2024

Truck helper isinelda sa shabu at pananapak sa parak sa Valenzuela

IHINAGIS sa selda ang isang truck helper matapos makuhanan ng P34K halaga ng shabu nang suntukin ang pulis na sumita sa kanya dahil sa pag-ihi sa pampublikong lugar sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Nahaharap sa kasong Art 148 of RPC (Direct Assault) at paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang naarestong suspek na si alyas Michael, 46, ng Tondo Manila.

Sa ulat ni PCpl Christopher Quiao kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ni Police Sub-Station 1 Commander P/Capt. Ronald Malana sa kahabaan ng West Service Road, Brgy. Parada nang matiyempuhan nila ang suspek na umiihi sa pampublikong lugar dakong alas-4:00 ng hapon.

Dahil paglabag ito sa umiiral na ordinansa ng lungsod, nilapitan siya ni PSSg Maniling para isyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) subalit, sa halip na makinig ay biglang sinuntok ng suspek ang pulis saka tumakbo.

Tumulong sa paghabol si PSMS Jigger hanggang maaresto nila ang suspek at nang kapkapan, nakuha sa kanya ni PSSg Maniling ang isang pouch na naglalaman ng isang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 5 grams at may katumbas na halagang P34,000.